Banner Before Header

Duterte sa UN: ‘giyera’ laban sa droga, terorismo, hindi ihihinto

Ni: Bambi Purisima

0 490
KAHIT siraan siya, palabasing masamang pangulo, hindi niya ititigil ang giyera laban sa droga at gagamitin niya ang batas laban sa terrorismo upang ipagtanggol ang mga karapatang pantao.

Ito ang binigyang-diin ni Pang. Duterte sa kanyang talumpati sa pagbubukas noong Martes, Setyembre 22, 2020, ng ika-75 ‘General Assembly’ ng United Nations.

Ang mga kritiko, sabi ni Duterte, ay mapagmapuring tagapagtanggol ng karapatang pantao at walang tigil sa pagpapakalat ng mga pekeng balita na pawang paninira sa kanyang pangalan at administrasyon.

“May iilang grupo ay ginagamit na armas ang human rights, ang iba ay may magandang intensiyon, ang iba ay may masamang layunin,” sabi ni Duterte sa kanyang talumpati.

Ang mga grupong ito, sabi pa niya, ay walang tigil sa pagbatikos sa mga gumaganang institusyon at mekanismo ng demokratikong pamamahala sa ilalim ng kanyang liderato na buong tibay na umaani ng suporta at pagtitiwala ng pinakamaraming Filipino.

Mapagkunwari ang kanyang mga kritiko, sabi ng Pangulo.

Aniya, pinagsasamantalahan ng mga ito ang mahihina, kahit gamitin pa ang mga bata bilang mga kawal o taong kalasag sa tuwing may armadong engkuwento sa puwersa ng gobyerno.

“They hide their misdeeds under the blanket of human rights but the blood oozes through,” banat ni Duterte.

Hindi niya binanggit ang pangalan ng mga grupong ito, pero maliwanag na tinutukoy ang mga rebeldeng grupo ng Communist Party of the Philippines sa pamumuno ni Jose Maria Sison na patuloy sa magihawang pamumuhay sa Netherlands.

Idinepensa ni Duterte sa kanyang talumpati ang kontrobersiyal na Anti-Terrorism law, na umani ng maraming batikos maging sa ibang bansa dahil sa malawak na depenisyon ng “terorista.”

Ayon sa mga kritiko ni Duterte, gagamitin ang batas upang tuluyang gibain at durugin ang mga kaaway ng kanyang pamahalaan.

Pinirmahan ni Duterte ang Anti-Terrorism Law noong Hulyo 3, 2020, sa kabila ng maraming protesta ng maraming human rights group, kabilang si Michelle Bachelet, pinuno ng UN Human Rights.

Sa batas, maaaring idetine ang dinakip na suspek na “terrorista” kahit walang mandamiento de aresto at walang kasong naisasampa sa loob ng 21 araw.

Sabi ni Duterte, ang nabanggit na batas ay mahalagang-mahalagang armas ng estado sa pagdurog ng terorismo, bukod sa ang pagpapatibay at pagpapatupad ay sumusunod sa mga batas ng UN.

“Its enactment was done pursuant to our commitment and the strict adherence to the relevant Security Council resolutions and the UN Global Counter-Terrorism Strategy,” sabi ng Presidente.

Hiniling niya sa mga kritiko niya, at sa mga dayuhang kontra sa batas na sumama sa isang lantad at bukas na pag-uusap sa UN, at ito ay gawin sa mataos na pagrespeto sa mga prinsipyo na walang pagkiling at matapat na pakikipagtalakayan sa kanyang administrasyon.

Lantad sa publiko na maasim ang relasyon ni Duterte sa UN.

Sa kanyang talumpati, sa unang pagkakataon, inihayag din ni Duterte na hindi niya papayagang mauwi sa wala ang panalong nakamit sa desisyong iginawad ng international arbitration court sa The Hague, The Netherlands.

Sa desisyon noong 2016, kinilala ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa tubig-dagat sa West Philippine Sea na inaangkin at inookupa ngayon ng China, Vietnam at iba pang mga karatig-bansa.

Hindi kinilala ng China ang panalo ng Pilipinas at inangkin na kanila ang teritoryo ng mga isla sa Spratleys na tinatawag nito na South China Sea.

Marami ang nagulat sa  pahayag ni Duterte sa UN hinggil sa WPS/SCS.

Madalas ikatwiran ni Duterte na maiipit lamang ang Pilipinas na parang langgam kung mangyaring sumiklab ang giyera dahil tiyak na makikialam ang United States na malaki ang interes na mapanatili ang paghahari sa malawak na karagatan sa WPS.

Ayon kay Duterte ilalaban niya ang karapatan ng Pilipinas sa WPS pero ito ay sa paraang mapayapa at ayon sa proseso ng pakikipag-usap na ipinasusunod ng UN.

Una rito, hinikayat ng mga kritiko ni Duterte na itaas ang usapin ng WPS sa UN.

Leave A Reply