Customs, ‘open for enrollment?’

GUSTONG maniwala ng mga miron na sinserong makapaglingkod at makatulong sa administrasyon ni Pangulong BBM ang bagong Customs Commissioner na si Atty. Charlito ‘Charlie’ Mendoza.

Dating Port of Cebu District Collector si Comm. Charlie sa termino ni Pang. Rody Duterte at pareho silang produkto ng San Beda Law School. Noong 2024, naitalaga siyang ‘Undersecretary’ sa Department of Finance (DOF) at ‘saktong isang taon ngayon matapos siyang maitalagang ‘BIR Commissioner,’ nalipat naman siya sa Customs nito lang buwan ng Nobyembre.

Hindi rin “matatawaran” ang abilidad at galing ni Comm. Charlie kung pangongolekta rin lang ang pag-uusapan—palaging ‘over the target’ ang Cebu collection noon kahit pa nga may pandemya at nagawa pa nga niyang maitangi ang Port of Cebu bilang ‘ISO certified government agency’ sa kabila ng kumplikadong operasyon ng isang Customs Collection District.

Pinupuri rin si Comm. Charlie ng ating mga negosyante sa kanyang termino sa BIR dahil napabilis umano niya ang mga proseso at nabawasan ang talamak na korapsyon doon, mga bagay na nagpabilib din kay Finance Secretary Frederick Go.

Dahil sa mga katangian niyang ito na ayaw nilang masayang at masira, hinihimok ng ating mga miron si Comm. Charlie na agad hanapin at hubaran itong si ‘Boss Wesley.’

Sumbong kasi sa atin, hindi pa man umano “nag-iinit” sa kanyang silya si Comm. Charlie noong isang linggo, “tumatawag” na sa mga Customs “players” itong si Boss Wesley para ideklarang “open for enrollment” na ang buong pantalan.

‘Open for enrollment?’ Ano kaya ang ibig sabihin nito? Hindi ba kasi “online” ang pag-aaply sa Customs kung gusto mong makapasok doon at magtrabaho?

Anang mga miron, mainam na agad ipahanap ni Comm. Charlie itong si Boss Wesley para malaman kung ano itong “inilalako” niya sa mga may transaskyon sa Aduana?

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata!