Aksyon naman, DTI, DA!

MALIGAYANG bati sa ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig. Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman, Dolores Monfero at Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless sa inyong lahat!

***

Grabe na ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng maraming essential commodities, kagaya ng gulay, karne, isda at pati bigas.

Kagagawan ito ng mga tiwaling traders at retailers.

Ito ang mga tinatawag na “profiteers” na nagpapahirap sa mga mamimili.

Ang problema kasi ay hindi mabantayan ng gobyerno ang lahat ng mga palengke sa bansa dahil sa kakulangan ng tao.

Maliban sa mga pamilihang bayan, nandiyan pa ang mga pribadong palengke.

Iba pa ang mga tinatawag na mobile vendors na nakasakay sa mga tricycle, motorsiklo at iba pang behikulo.

Mas mahal pa ang tinda ng mga ito dahil binibili na nila ang mga paninda sa malalaking negosyante.

Kaya kawawa ang mga mamimili, lalo na ang mga mahihirap, dahil napipilitan silang bumili sa mga ito kahit mahal dahil mahal din ang pamasahe papuntang bayan.

Kadalasan ay wala rin magawa ang mga opisyal ng barangay sa malalayong probinsiya kahit alam nilang sobrang taas ang presyo ng paninda ng mga trader.

Dapat may maipakulong na mga traders o retailers para matakot naman ang mga ito.

Sobra na nga ang nararanasang kahirapan ng mga mga tao, napagsasamantalahan pa!

Aksyon naman, Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA)! Puwede ba?

***

Ingat lang tayo, lalo na ang mga bata, dahil marami ang nagkakasakit ng sipon, trangkaso, ubo at diarrhea.

Dahil ito sa pabago-bagong panahon. Sa araw, mainit pa rin, pero pagdating ng hapon hanggang gabi malamig ang simoy ng hangin.

Dati, Disyembre ang pinakamalamig na buwan ng taon.

Ngayon, Enero na nagsisimulang guminaw kahit nandiyan ang northeast monsoon o ang tinatawag na “amihan.”

Inaasahang magtatagal hanggang Pebrero ang nararanasang cold wave sa bansa, lalo na sa northern part ng Luzon.

Ang maganda lang ngayon ay bawas ang electric bills ng ating mga kababayan dahil hindi binubuksan ang aircon at electric fan.

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa: +63 9178624484. Email: philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).