MALIGAYANG araw sa lahat ng kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan. Binabati rin natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Roana San Jose, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Endo Yumi, Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia. God Bless sa inyong lahat!
***
Kagaya ng inaasahan, patuloy na tumataas ang revenue collection ng Bureau of Customs (BOC).
Ito ay kaugnay sa pagdami ng mga dumarating na importasyon sa ibat-ibang ports of entry sa bansa.
Noon ngang nakaraang buwan, Pebrero, ay umabot ng P73.798 bilyon ang koleksyon ng ahensya, lampas sa target ng ahensiya na P72.592 bilyon.
Ayon sa ulat, ang tax collection ng BOC sa unang dalawang buwan ng 2026 ay umabot ng P154.747 bilyon, 2.5 percent o P3.729 bilyon increase kumpara sa koleksyon noong Enero-Pebrero 2025.
Ang “top performers” ay ang Manila International Container Port (MICP), Port of Batangas, Port of Manila (POM), Port of Subic (POS) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa 17 collection districts ng BOC, dalawa lang ang nabigong maabot ang kanilang assigned tax take; 10 sa mga ports of entry ay nagtala rin ng surplus collection.
Sa taong ito, ayon sa Department of Budget Coordinating Committee (DBCC), ang BOC ay naatasangmangolekta ng P1.184 trilyong buwis.
Ayon sa BOC, makakaya nitong abutin ang 2026 collection target dahil sa mga ipinapatupad na mga reporma sa waterfront.
Ang mga repormang ito ay naglalayong higit na mapaganda ang serbisyo ng Customs alinsunod sa direktiba ni PBBM.
***
Lalo pang pinapaigting ng BOC ang kampanya laban sa ismagling ng sigarilyo at illegal drugs sa tulong ng mga partner agencies nito.
Malaking hamon ito sa mga ahensiya ng gobyerno dahil sa dami ng mga islang puwedeng pagdaungan ng mga barko ng mga ismagler.
Ang maganda lang, maraming kontrabando ang nasasakote ng BOC sa tulong ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, National Bureau of Investigation, Department of the Interior and Local Government, at Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa ulat ng BOC, nakasakote na ng mahigit na P1.8 bilyon na halaga ng illicit cigarettes at P760 milyon nang illegal drugs sa unang dalawang buwan ng 2026.
Noon nakaraang taon, nagsagawa ang BOC ng 1,024 interdiction operations na nagresulta sa 143 drug seizures na nagkakahalaga ng P5.630 bilyon.
“Our personal relationships with other heads of agencies are very strong and this is the main reason why inter-agency trust is now high and effective,” ayon kay Commissioner Ariel.
Kung magpapatuloy ang magandang ugnayang ito ay siguradong magtatagumpay ang kampanya laban sa ismagling ng sigarilyo at illegal drugs.
***
Mabuti naman at dumadaan sa tamang proseso ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Z. Duterte para hindi na muling mabulilyaso ang pagtanggal sa kanya sa puwesto.
Maraming naniniwala na may sapat na numero ang mga pro-impeachment na kongresista para madala ang impeachment complaint sa Senado.
At kung ma-impeach si VP President, hindi na siya puwedeng humawak ng ano mang puwesto sa gobyerno.
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text lang sa +639178624484 o sa email: philipreyes08@yahoo.com.)