NAPAKARAMI na nating batas kontra illegal mining, pero anak ng pitong kuba, bakit nagpapatuloy ito, at paano at bakit nangyayari ito?
Ang sagot: Korapsyon.
Ayon sa ilang nakausap nating dalubhasa sa pagmimina, ang Pilipinas daw ay ikatlo sa may pinakamalaking deposito ng ginto; napakayaman natin sa tanso, nickel, chromite, marmol at iba pang mineral ang makukuha sa ilalim ng lupa at katubigan.
Noong 2023, ibinalita na ang Malampaya na mina ng natural gas sa Palawan ay malapit nang maubos mula nang i-operate ito noong 2002. Ayon pa sa ulat, $12 billion (higit P696 bilyon) na ang kinita ng mga nakaraang gobyerno sa Malampaya na kung nagamit nang husto at hindi naibulsa, hindi tayo magdaranas ng hirap lalo na noong panahon ng pandemya.
Marami pang mineral at non-metallic minerals ang hindi na namimina na sap ag-aaral ay aabot sa mahigit na 2.4 bilyong tonelada.
Kaya nga maraming dayuhang kompanya ang gustong makakuha ng mining contract sa atin dahil paldo-paldong dolyar ang maiuuwi sa kanilang bansa.
***
Ano na ang nangyari sa illegal mining ng black sand sa San Marcelino at Botolan, Zambales? May kinasuhan ba ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)?
Para sa inyong kaalaman dear readers, ang black sand kasi ay ginagamit sa pag-extract ng ginto, iba pang mineral, bukod sa ginagamit ito na sangkap sa paggawa ng bakal.
May balita rin na ang mga black sand at mga buhangin mula Zambales ay ibinenta sa China para sa pagtatayo naman ng mga military at naval bases ng China sa Spratly. Sino-sino nga ba ang kumite sa illegal mining na ito?
Nakabibingi ang katahimikan ng DENR at ng ating gobyerno sa mga nangyaring ito sa Zambales. Wala tayong nabalitaang kahit isa na inusig, kinasuhan, naparusahan at naipakulong.
Ang Dubai, Saudi Arabia, iba pang bansa sa Middle East at China ang buminili ng ating mga buhangin, kasama na ang blacksand.
Hindi kasi angkop na gamitin sa konstruksyon ng mga gusali, bahay at tulay ang buhanging disyerto.
Inaangkat, iligal na minimina ang ating mga bundok, mga buhangin, mga bato, kahoy, at iba pang mineral para sa pagtatayo ng mga mararangyang gusali sa ibang bansa.
Hindi lang sa Zambales, bagkus maraming lalawigan sa atin ang iligal na minimina ang kabundukan, karagatan at kagubatan.
Tandaan: ang trahedya sa Tacloban mula sa Bagyong Yolanda noong 2013 ay dahil sa iligal na pagmimina ng ating mga likas na yaman.
Kung hindi ito “kataksilan,” ano ang maitatawag dito – katrayduran ito na dapat ang parusa ay bitay.
Pero ang mga “kriminal” ay malaya, nagkakamal ng bilyon-bilyong salapi, pinararangalan pa at naihahalal nang paulit-ulit sa matataas na tungkulin sa bayan. Wat da pak!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).