Manilenyo, hindi apektado sa dagdag-bayad sa basura

UULITIN natin ang tanong: Bakit may mga tao na gumagawa ng paraan upang sila ay maitalaga sa matataas, “makakatas” na puwesto sa maraming ahensya ng pamahalaan”?

Bakit “nagpapatayan” ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matatalik na magkaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa gobyerno?

Maliwanag kasi ang katotohanan: “Negosyo” at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila na kunwari ay paglilingkod sa publiko.

Bagaman, iilan lang sa ganang atin ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon naman ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.

Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at pagsasamantala sa salapi ng bayan?

***

Aminin natin: Ang Maynila ang mukha ng ating bansa; ito ang bukana ng Pilipinas sa mundo, ito ang Perlas ng Silanganan!

At banal na tungkulin natin na mga taga-Maynila na pangalagaan, panatilihin  ang marangal na pagkakilala sa Maynila; dapat nating bigyang paggalang ang Maynila, tulad ng paggalang na iginagawad ng ibang bansa sa siyudad.

***

Inaprubahan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, makalipas ang mahigit isang dekada, ang pag-amyenda sa singil sa koleksyon ng basura, bunsod ng pagdami ng basura, pagtaas ng hauling cost, at aktuwal na gastos sa serbisyo.

Sa ilalim ng Ordinance No. 9151, na ipinasa ng Manila City Council noong Nobyembre 2025 at nilagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Disyembre 1, binago ang garbage fees na huling na-update pa noong 2013.

Ayon kay City Treasurer Atty. Paul Vega, dumaan sa masusing pag-aaral ang bagong singil upang tumugma sa kasalukuyang dami ng basurang nalilikha at totoong gastusin ng lungsod.

Nilinaw ni Vega na hindi kasama ang mga residential household sa taas-singil at mga negosyo lamang ang maaapektuhan ng ordinansa.

“Mahigit sampung taon nang hindi nagbabago ang garbage fees at hindi na ito tugma sa aktuwal na dami ng basura at gastos sa koleksyon,” ani Vega.

Ayon naman kay City Legal Officer Atty. Luch Gempis Jr., matagal nang kailangang i-update ang garbage fees dahil sa patuloy na pagtaas ng basura mula sa commercial at industrial establishments, gayundin ang pagtaas ng bayad sa hauling.

Dagdag pa ni Gempis, inabisuhan ang lungsod ng MMDA na ilipat ang basurang kinokolekta sa New San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal, na nagresulta sa mas mataas na gastos sa transportasyon.

Sa ilalim ng ordinansa, nakabatay sa uri ng negosyo at dami ng basurang nalilikha ang singil– mas maraming basura, mas mataas ang bayad.

Tinalakay rin ni Gempis ang isyu sa real property valuation, alinsunod ito sa RA 12001 na nag-aatas sa mga LGUs na i-update ang real property market values kada taon. Katulad ng garbage fee, huling na-update ang real property market values sa Maynila noong 2013.

Upang mabawasan ang epekto sa mga nagbabayad ng buwis, ipatutupad ang dalawang yugto ng transitory increase, kasama ang mga amnesty program at insentibo para sa maagang pagbabayad.

Samantala, sinabi ni Bureau of Permits Director Levi Facundo na maaaring sumangguni ang mga negosyante sa schedule ng fees sa Ordinance 9151 upang malinawan sa kanilang garbage fee assessment.

“Awtomatikong kinukuwenta ang garbage fee na makikita sa eSOA ng mga negosyo batay sa sistemang sumusunod sa ordinansa,” dagdag ni Facundo.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).