“NGAYON na, hindi na pwedeng ipagpabukas pa!” Bilang solusyon sa hindi natatapos na problema sa pagbaha, naghanda na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ng isang Master Drainage Plan para na rin matiyak ang kaligtasan ng mamamayan ng lungsod.
Makakatulong ang madalas na paglilinis ng mga kanal, imburnal, estero at iba pang lagusan ng tubig-baha, pero hindi ito sapat, sabi ni Yorme.
Aniya, kailangan na ang todo, malawakan at sama-samang pagkilos ng lahat, kasama ang national government.
Kaya nga sa pagbisita ni Pang. Marcos Jr. nitong Huwebes, Setyembre 18, para magbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog, personal na ibinigay ni Yorme Isko ang kopya ng inihandang plano at solusyon sa palagiang pagbaha sa siyudad.
Malinaw ang intensiyon ni Yorme: maihanda ang maayos at panatag na buhay ng taumbayan, at upang magawa ito, kailangan ang isang malawak, matinong plano at tulong ng pambansang gobyerno.
Salamat naman at malugod na tinanggap ng Pangulo ang inihandang Master Plan at nagbilin siya kay Yorme: Makipag-ugnayan sa DPWH, sa MMDA at sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Bakit naisip ni Yorme ang Master Plan kontra pagbaha?
Aniya, hindi ito pagtupad lamang sa kanyang tungkulin sa mamamayan na tiyakin ang kapanatagan at kaligtasan ng taumbayan.
“Ito rin ay pamana natin sa mga susunod na henerasyon ng Batang Maynila,” sabi ng alkalde.
Upang magawa ang lubos na solusyon sa problemang ito, nangangailangan ito, ayon sa mungkahi, ng P140-bilyon na gagawin sa dalawang paraan.
Una, pagkukumpuni o pagtatanggal at pagpapalit o paglalagay ng mga bagong imburnal, kanal, paglilinis at pag-aalis ng mga barang dumi, basura at iba pa sa lahat ng daluyan ng tubig at pagtitiyak na palaging nasa maayos ang operasyon ng mga ito.
Kasama sa plano ay ang pagsasaayos at pagtatayo ng mga bagong pumping stations – sa buong Metro Manila, mayroong 72 nito na ang 24 ay nasa Maynila. Sa plano, kailangan pa ng Maynila ng 15 pumping stations.
Uunahing lagyan/ayusin ang mga pumping stations sa mga bahaing lugar malapit sa mga paaralan, ospital, mga opisina ng gobyerno, mga lugar ng negosyo, at kasunod ang iba pang lugar na matagal bago mawala ang tubig-baha.
Ikalawa, magtatayo rin ng tunnel systems at watercdetention tank sa buong lungsod.
Malaking trabaho ito na kapag naumpisahan, kailangan, tuloy-tuloy upang agad ay matapos kaya kailangan ang pagtutulungan ng LGU at pambansang pamahalaan.
Bago ibinigay kay PBBM ang Master Plan, masusi na itong pinag-aralan ng mga departamento ng pamahalaang lungsod na nagtulong-tulong upang matiyak na ang implementasyon ay maging maayos at matagumpay.
Umaasa rin si Yorme sa todong tulong ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO) para solusyunan ang pagbaha sa Maynila.
Kasama siyempre ang Manila City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza na naghanda at nagpatibay ng lahat ng kailangang ordinansa, resolusyon at pagbibigay ng kapangyarihan kay Mayor Isko upang mapagtibay at mapondohan ang drainage master plan.
Ang totoo, noon pang unang termino ni Yorme Isko binalak ang totohanang pagsasaayos ng lahat ng daanan at lagusan ng tubig baha sa Maynila. Subalit, alam na natin ang nangyari sa pumalit na rehimen sa kanya—walang nangyari.
Sana, agad na maisakatuparan ang drainage master plan na ito na isang “pamana” ng administrasyong Moreno sa mga susunod na bagong henerasyon ng Batang Maynila.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).