MALIGAYANG araw sa lahat ng ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig. Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia. God Bless sa inyong lahat!
***
Mas mainam na muling pamunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang Senate Blue Ribbon Committee (BRC).
Sa panayam kay Senate President Tito Sotto, noong nakaraang Sabado sa DWIZ, may posibilidad pa rin daw na bumalik si Lacson, Senate Pro Tempore, bilang chairman ng BRC.
Ani Sotto, patuloy nilang kinukumbinsi si Lacson na muling pamunuan ang komite na nag-iimbestiga ng lahat ng katiwalian sa gobyerno katulad nang flood control project scandal.
Nakatakdang magpulong ang BRC bago matapos ang Oktubre para pag-usapan ang kahilingan ng mga sinibak na sina Public Works and Highways Bulacan 1st District engineer, Henry Alcantara at assistant district engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza para sa ‘house arrest.’
Sa nasabing pulong kukumbinsihin ng mayorya si Lacson na bumalik bilang chairman ng BRC.
Karamihan naman daw sa kanila ay pabor kay Lacson.
Bagamat nagbitiw bilang chairman ng BRC si Lacson, nangako naman ito na patuloy na lalabanan ang katiwalian.
Masyado kasi ang pagkadismaya ni Lacson sa ilang kasamahang senador na “mae-epal” pero may mga lihim naman palang ‘personal agenda.’
Sana nga muling pamunuan ni Lacson ang BRC.
Ano sa palagay niyo?
***
Bagaman maraming tumutuligsa ngayon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa hindi nila pagsasapubliko ng isinasagawang pagdinig kaugnay sa maanomalyang ‘flood control projects’ ng DPWH, kailangang suportahan pa rin natin ito.
Kung ngayon pa lang ay may mga gumagawa na ng ingay para tuligsain ang ICI, aba’y huwag naman.
May integridad ang bawat miyembro ng ICI.
Sa tingin natin, iniiwasan lang ng ICI na magawan sila ng kontrobersiya ng mga taong sangkot sa kanilang imbestigasyon. Nag-iingat lang ang ICI.
Sa katunayan, noong Biyernes ay sinimulan na ng ICI na ayusin ang mga ‘interagency teams’ para imbestigahan ang daan-daang maanomalyang flood control projects sa buong bansa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ICI sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba’t ibang grupo ng mga inhinyero, kabilang ang mula sa DPWH at civil engineers’ organizations, para magsagawa ng technical inspections at forensic validation.
Inatasan rin ng komisyon ang AFP, PNP at DPWH na tukuyin kung aling mga proyekto ang ghost, substandard, unfinished, o overpriced.
Kaugnay nito, natukoy nila ang 421 ‘ghost projects’ sa buong bansa.
Ang 421 na kuwestiyonableng mga proyekto ay mula 2018 hanggang 2025.
Tinitingnan din ng ICI kung kailan nagsimulang lumala ang nasabing iregularidad para makagawa sila ng mga rekomendasyon at maiwasan na maulit pa ang mga ito.
Sana, hindi maging ningas-kugon ang imbestigasyon sa mga kasong ito ng mga walanghiyang mambabatas, kasabwat ang mga taga-DPWH at mga dorobong kontratista.
Tama ba, Ombudsman Boying Remulla?
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa: +639178624484/email: philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)