Banner Before Header

Ituloy ang “paglilinis” sa Customs

11
“SALUDO” tayo sa ipinakikitang direksiyon ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi lamang tax collection ang tinitingnan bagkus pati border protection, accountability at paglilinis sa sariling hanay.

Pinakamalinaw na halimbawa rito ang anim na criminal complaints na isinampa ng BOC sa Department of Justice kaugnay ng anim na shipment na idineklarang “chicken lollipops” ngunit nang inspeksiyunin ay tumambad ang 15,029 sako ng sariwang puting sibuyas at 2,164 kahon ng carrots. Wala rin umanong import clearanee mula sa Department of Agriculture ang mga nakumpiskang agricultural products.

Pero ito ang dapat pansinin: Hindi lang importer ang isinama sa kaso.

Kasama ang mga kinatawan ng importer, isang licensed customs broker, at maging mga opisyal at personnel ng Customs na umano’y sangkot sa iligal na transaksiyon.

Ibig sabihin, kung may nagtangkang maglaro sa sistema, hindi sapat na mahuli ang nasa “labas” ng Customs. Dapat ding silipin kung may tumulong, nagpabaya o nagbigay-daan mula sa “loob.”

Ganito ang accountability na kailangang makita ng publiko. Sabi nga ni Commissioner Nepomuceno: “Wala tayong pagtatakpan.”

At hindi lang ito dapat manatiling magandang linya sa press release.

Dapat itong maging pamantayan sa bawat pantalan.

Kaya kung may mga usapin o reklamo tungkol sa Port of Subic, ang tamang sagot ay hindi palusot. Imbestigahan. Suriin. Ilabas ang ebidensiya at kung may nagkasala, panagutin.

Hindi rin makatarungang idikit sa lahat ng Customs personnel ang anumang iregularidad ng iilan.

Marami sa mga kawani ng BOC ang araw-araw na nagtatrabaho nang maayos para maprotektahan ang hangganan ng bansa at makalikom ng kinakailangang kita ng pamahalaan.

At ang isang matapat na empleyado ng Customs ay lalo ring makikinabang kapag nililinis ang hanay at hindi kinukunsinti ang mga pasaway.

Dito naman pumapasok ang mas malaking hamon kay Comm. Ariel.

Hindi sapat na malaki ang koleksiyon.

Hindi sapat na marami ang nasasabat.

Ang tunay na sukatan ng isang matatag na Customs ay kung kaya nitong pagsabayin ang koleksiyon, mabilis na legitimate trade facilitation, border protection at integridad ng mga tauhan.

Dahil ang Customs ay hindi pag-aari ng importer.

Hindi rin pag-aari ng broker.

At lalong hindi personal na teritoryo ng sinumang opisyal o empleyado.

Pampublikong institusyon ito.

Kaya tama lamang na kapag may ebidensiya ng paglabag, idaan ang lahat sa tamang proseso—kahit pa ang sangkot ay mula mismo sa loob ng BOC.

Ito rin ang direksiyon na ipinapakita ng IAM—Integrity, Accountability and Modernization—na isinusulong ng BOC sa ilalim ni Nepomuceno. Kasabay nito ang panawagang panatilihin ng mga pantalan ang transparency, accountability at operational excellence.

Sa datos ng BOC, umabot sa P664.776 bilyon ang koleksiyon mula Enero hanggang Agosto 2026 – P5.467 bilyon na mas mataas sa adjusted target.

Sa parehong panahon, nakapagtala rin ang BOC ng 858 seizure operations na tinatayang nagkakahalaga ng P22.737 bilyon.

Kaya kay Commissioner Nepomuceno, isa ang malinaw na mensahe: Ituloy ang “paglilinis.”

Kung may matino, kilalanin.

Kung may mahusay, suportahan.

Kung may lumalabag, imbestigahan at panagutin.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.