BOC, “bantay” ng Kaban ng Bayan!

SA GITNA ng mga hamon sa ekonomiya at patuloy na pangangailangan ng pamahalaan sa pondo para sa mga serbisyong panlipunan, isang malaking tagumpay ang naitala ng Bureau of Customs (BOC) matapos makalikom ng pinakamataas na buwanang koleksyon sa kasaysayan nito ngayong Oktubre 2026.

Hindi biro ang ₱97.463B nakolekta ng ahensya sa loob lamang ng isang buwan. Mas mataas ito ng ₱14.501B kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Patunay ito na kahit bumaba ang import volume, kaya pa ring palakasin ang koleksyon sa pamamagitan ng mas mahusay na pamamahala at tamang pagpapatupad ng batas.

Mas kahanga-hanga ang kabuuang koleksyon nitong Enero hanggang Oktubre na umabot sa ₱853.662 bilyon, lampas pa sa itinakdang target na ₱846.522 bilyon. Ibig sabihin, hindi lamang rekord ang naitala ng BOC kundi nalampasan din nito ang inaasahang koleksyon ng pamahalaan!

Sa puntong ito, malaki ang hamon na haharapin ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa huling dalawang buwan ng taon. Mahigit ₱157 bilyon pa ang kailangang makolekta upang maabot ang ₱1.011 trilyong full-year revenue target.

Hindi ito madaling trabaho, ngunit batay sa ipinakitang resulta, may sapat na dahilan upang maging positibo ang ahensya.

Sa liderato ni Commissioner Nepomuceno, malinaw ang direksyon ng ahensya: palakasin ang revenue collection, sugpuin ang smuggling at tiyaking bawat pisong dapat mapunta sa kaban ng bayan ay hindi mawawala.

At hindi lamang sa koleksyon nasusukat ang kakayahan ng BOC, mga suki.

Kamakailan, muling ipinakita ng ahensya ang pagiging mahigpit nito sa pagpapatupad ng batas matapos masabat ang tinatayang 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36B sa Manila International Container Port (MICP).

Isang malaking tagumpay ito dahil hindi lamang droga ang nasabat kundi posibleng pagkasira ng buhay ng maraming Pilipino ang naiwasan.

Sa Negros Occidental naman, nasamsam ng BOC at PNP ang mahigit ₱4.1 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo na sakay ng isang refrigerated van.

Magkakaibang operasyon, ngunit iisa ang mensahe: hindi kanlungan ang Pilipinas ng mga smuggler, drug trafficker at iba pang lumalabag sa batas.

Kapansin-pansin din ang kahalagahan ng mabilis na palitan ng impormasyon at pagtutulungan ng mga ahensya.

Sa panahon ngayon, hindi sapat ang simpleng pagbabantay sa mga pantalan at hangganan. Kailangan ang matibay na intelligence network, makabagong sistema at koordinasyon upang masundan ang galaw ng mga sindikato.

Kaya nararapat lamang kilalanin ang mga tauhan ng BOC sa iba’t ibang collection district at enforcement units na nasa likod ng mga tagumpay na ito.

Sa kabilang banda, dapat ding maging tuluy-tuloy ang kampanya laban sa smuggling at iligal na droga at ang operasyon ay hindi dapat matapos sa pagkakasabat ng mga kontrabando. Kailangan din na matukoy ang mga nasa likod ng mga ito.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng isang mahusay na Bureau of Customs ay hindi lamang kung gaano kalaki ang nakokolekta nito kundi, kung paano epektibong napoprotektahan ang ekonomiya, kaligtasan ng mamamayan at kaban ng bayan.

BOC, hindi lamang tagakolekta ng buwis, kundi bantay ng kaban ng bayan at tagapagtanggol ng ating mga hangganan!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).