MAPAGPALANG araw sa lahat ng ating mga suki; nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan, Saudi Arabia, Oman at iba pang parte ng mundo.
Binabati natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Endo Yumi, Aimi Houchii, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Yoshiko Katsumata, Roana San Jose, Lorna Pangan Tadokoro, Hiroki Hayashi, Winger dela Cruz, at si Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia. Mabuhay kayong lahat!
***
Sa susunod na buwan ay ipatutupad na ng gobyerno ang ‘60-days rice importation ban,’ ayon kay PBBM.
Ang pagbabawal ay naglalayong protektahan ang kapakanan ng mga magsasaka.
Malaking hamon ito sa Bureau of Customs (BOC) dahil inaasahang abala rin ang mga ismagler ng bigas habang may importation ban.
Ang ibig sabihin nito, kailangang bantayang mabuti ng BOC ang lahat ng mga lugar na puwedeng pagdaungan ng mga barko na may dala-dalang puslit na bigas.
Huwag nating kalimutan na may mahigit na pitong libong isla sa buong bansa.
Dahil kulang ang BOC ng tauhan at kagamitan, dapat tumulong ang Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at local government units (LGUs).
Kailangan din na bantayang mabuti ang mga pamilihang bayan na puwedeng pagdalhan ng smuggled rice.
“The BOC will leave no room for violations and will ensure that this ban is fully enforced,” ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Sinabi pa ni Nepomuceno, hindi kukunsintihin ng BOC ang pagpuslit ng bigas.
Naniniwala tayo na lahat ay gagawin ni Commissioner Nepomuceno para protektahan ang kapakanan ng ating mga magsasaka.
Aniya pa, “We are committed to upholding the integrity of the rice market and we will do everything to prevent any illegal rice importation.”
Dapat din na tumulong ang taumbayan para maipatupad ng maayos ang rice importation ban.
Kung may makikita silang nagbebenta ng puslit na bigas ay isuplong agad sa mga otoridad.
Tama ba, Finance Secretary Ralph Recto?
***
Kagaya ng sinasabi natin, kailangan talagang kayod-kalabaw ang gawin ng mga kawani ng BOC sa nalalabing mahigit na dalawang taon ng Marcos administration.
Dangan kasi, baka may mga gustong samantalahin ang nalalabing araw ni Pangulong Marcos sa Malakanyang para kumita ng malaki.
Lalo na ang mga tinatawag na co-terminus employees sa gobyerno.
Ito ang mga empleyado na sabay na matatanggal sa puwesto pag-alis ng nag-appoint sa kanila.
Dahil alam nilang hindi naman sila permanente, baka maisipan nilang gumawa na ng mga “milagro” habang nasa puwesto.
Huwag nilang gagawin ito dahil nakabantay sa kanila si Pangulong Marcos.
Sa tingin natin, magiging istrikto na si BBM dahil hindi na niya kaikangan ang boto ng mga botante sa 2028.
Pagkatapos ng kanyang six-year term ay hindi na siya puwede sa ‘reelection.’
Kaya para sa mga tiwali sa gobyerno, “ingat” lang.
Baka matanggal pa kayo sa trabaho at makulong dahil sa mga kalokohan ninyo.
(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa +63 9178624484).