Kampanya kontra droga ni PBBM, “bloodless but highly effective”

ISANG mapagpalang araw sa lahat ng ating suki, lalo na sa ibang bansa. Binabati natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina: Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Winger dela Cruz, La Dy Pinky, Endo Yumi, Tata Yap Yamazaki, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at kay Hiroshi Katsumata, na nagdiwang ng kanyang kaarawan nitong Disyembre 14. Happy Birthday, Kaibigan!

Binabati rin natin sina Joann de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman. Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.

***

Sana, maipamigay na ng iba’t ibang customs collection districts sa bansa ang mga abandonado at kumpiskadong shipments bago matapos ang taon.

Sa ilalim ng batas ay puwedeng isubasta, sirain o i-donate ng Bureau of Customs (BOC) ang mga nasabing kargamento.

Ang mga puwedeng pakinabangan, kadalasan ay ibinibigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipamahagi sa mga biktima ng kalamidad.

Ang mga sasakyan at iba pang mamahaling gamit ay idinadaan sa subasta o public auction para makalikom ng karagdagang pondo ang BOC sa ilalim ni Commissioner Ariel Nepomuceno.

Ganito ang ginawa sa mga luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya dahil hindi nila naipakita ang mga dokumentong nagpapatunay na ligal ang importasyon ng mga ito.

Ang mga iligal na droga naman, kagaya ng shabu, cocaine, ecstasy, marijuana, at iba pang produkto na makasasama sa kalusugan ay isinasalin sa pag-iingat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sirain at hindi na maibenta sa merkado.

Sa taong ito ay naatasang mangolekta ang BOC ng halos P1 trilyon na buwis.

Naniniwala tayo, na maaabot ng BOC ang assigned tax take nito bago matapos ang 2025.

Tama ba, Finance Secretary Frederick Go at Commissioner Ariel?

***

Sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tuloy-tuloy ang kampanya laban sa mga ipinagbabawal na gamot.

Ito ay hindi lang sa mga siyudad at malalaking bayan kundi sa buong bansa dahil nandiyan pa rin ang problemang sumisira sa buhay ng mga kababayan natin.

Lalo na sa mga kabataan na kadalasang biktima ng tinatawag na “drug monster.”

Hindi kagaya ng madugong giyera laban sa droga ni dating Pang. Rody Duterte, ang kay Pangulong Marcos ay “bloodless but highly effective.”

Ngayon ay wala kang naririnig na namatay na drug user o pusher dahil “nanlaban sa mga otoridad.”

Hinuhuli ang mga suspek at ikinukulong para mabigyan ng pagkakataong magbagong buhay at makabalik sa mainstream society.

Kaya nga nakakulong ngayon sa The Hague si Duterte dahil sa pagkamatay ng libu-libong tao na mga pinaghinalaang sangkot sa iligal na droga.

Dapat talagang maaresto ang mga gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot. Hindi upang ikulong kundi upang dalhin sa drug rehabilitation centers,

Sa tingin natin suportado ng mga magulang ang kampanyang ito ng gobyerno dahil maging sila ay gustong magbago ang kanilang mga anak.

Madalas kasi ay nawawala sa sarili ang mga gumagamit ng droga. Kung hindi ire-rehabilitate ay mananatili silang sakit sa ulo ng mga magulang at otoridad.

***

Kaliwa’t kanan na ang nagaganap na Christmas parties sa bansa.

Hindi dapat mahaluan ng pulitika ang mga nangyayaring kasayahan na ito dahil ang inaalala natin ay ang kapanganakan ng Panginoong Hesukristo.

Puwede bang kalimutan muna natin ang mga pagkakaiba natin sa relihiyon, pulitika at iba pang bagay sa panahon ng Kapaskuhan?

Alam naman natin na walang mangyayari sa ating bansa kung mananatili tayong walang pagkakaisa dahil sa dami ng problemang kinakaharap natin.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa +63 9178624484)