Banner Before Header

“Nagwala” si ‘Presidential Appointee’ sa loob ng Dasma

5,029
KAMAKAILAN, bago pa iutos ni Pang Marcos Dayunyor ang ‘courtesy resignation’ ng kanyang buong Gabinete, nasibak si OWWA administrator Arnell Ignacio, matapos umanong masabit sa isang “anomalya.”

Kumbaga, tuloy pa rin ang postura ng administrasyon na sino mang masabit sa anomalya o eskandalo, siguradong “tsugi” agad sa puwesto.

Kaya naman umaasa ang mga elitista at mga ‘coño sa Dasmarinas Village sa Makati na parehong pamantayan ang ipaiiral ng Palasyo sa isang ‘appointee’ ni Pang. BBM na naaktuhan sa isang ‘video’ na mistulang mabangis na tigreng naghahamon ng away noong Mayo 12—sa araw mismo ng halalan, COMELEC chair, George Erwin Garcia.

Ang siste, nagalit si Mr. Department Undersecretary at naghamon ng basag-ulo dahil nagsilbing ‘poll watcher’ nang isang kandidato ang kanyang sariling “erpats” o “Tatay.”

Sa totoo lang ay wala namang masama o bawal dito dahil kung hindi pa alam ni Mr. Presidential Appointee, ‘allowed’ ng dalawang poll watcher ang bawat kandidato sa bawat presinto.

Kaya nga marami ang nagulat, natakot at nasindak sa naging asal nitong “bata” ng Malakanyang noong araw mismo ng halalan dahil kung susumahin, walang batayan ang kanyang pagiging “praning.”

At siyempre, dahil si PBBM mismo ang nakapirma sa kanyang appointment, medyo natagalan bago nakontrol ang sitwasyon. Aber, sino ba ang gustong “bumangga” sa “bata” ng Palasyo, sige nga?!

Sa katunayan, binabasa ninyo ito mga suki, “atubili” pa ang ‘na-bully’ nitong si Mr. Undersecretary kung magsasampa pa ba ng reklamo o hindi?

Hindi pa rin natin matiyak na kung katulad ng nangyari kay Ignacio ay nakarating na rin kay ES Lucas Bersamin ang “petisyon” ng kanyang mga kapitbahay laban dito kay ‘Usec’ na ilan sa mga nakapirma ay mga ‘campaign donors’ ni PBBM noong panahon ng kampanya.

Sa utos namang courtesy resignation ni Pang. Marcos Dayunyor sa kanyang Gabinete, nagbitiw na siyempre ang boss nitong ating bida ngayon.

Kung magkasama pa silang babalik sa kanilang departamento dahil naman sa ginawang eksena  noong panahon ng halalan, ito siyempre ang dapat nating…ABANGAN!

Comments are closed.