ISANG malaking dagok sa sindikato ng ilIgal na droga ang muling naitala nang masabat ng Bureau of Customs (BoC)–Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tinatayang P112 milyon halaga ng shabu sa Terminal 1 noong Pebrero 28.
Isang Malaysian national ang naaresto nang makita sa kanyang bagahe 16.526 kilo ng shabu. Tinatayang nasa P112,376,800 ang halaga ng kontrabando.
Hindi ito simpleng pagkakasabat lamang. Isa itong malinaw na mensahe: buhay at kaligtasan ng mamamayan ang pangunahing isinusulong ng pamahalaan laban sa banta ng iligal na droga.
Nangyari ang matagumpay na operasyon sa pamamagitan ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) katuwang ang NAIA–Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA–IADITG).
Sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patuloy na pinatitibay ng ahensya ang kampanya kontra droga alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. At muli niyang pinatunayan na mabibigo ang ano mang pagtatangka na gawing lagusan ng iligal na droga ang mga paliparan at pantalan ng bansa.
Pinupuri rin natin ang matatag na liderato ni District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa, na walang sawang nagpapatupad ng masusing pagbabantay sa NAIA.
Sa ilalim ng kanyang pamamahala, mas naging mahigpit at sistematiko ang pagbabantay sa mga dumarating na pasahero at kargamento.
Sa huli, pinatunayan ng insidente na kapag may malinaw na direksyon, matatag na pamumuno, at maayos na koordinasyon, walang puwang ang droga sa ating mga tarangkahan.
***
Nitong Lunes, March 2, ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na idaos ang lahat ng graduation rites ng mga pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa loob mismo ng kani-kanilang campus habang hinaharap ng lungsod ang nakaambang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo dulot ng krisis sa langis.
Inatasan ni Yorme ang Schools Division Office (SDO) of Manila sa pangunguna ni Superintendent Dr. Sheryll Gayola na tiyaking sa loob lamang ng mga paaralan gaganapin ang mga seremonya. Ito ay upang maiwasan ang dagdag gastusin ng mga magulang, lalo na kung sa ibang lugar pa ito idaraos na mangangailangan ng karagdagang bayarin.
Aniya, kasama ito sa paghahanda ng Maynila sa posibleng pandaigdigang ‘oil shock’ bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at sa napaulat na pagharang sa Strait of Hormuz.
“Dalawampung porsiyento ng ating langis sa buong mundo, kasama na ang Pilipinas, may problema sa pinanggagalingang suplay,” babala ng alkalde.
“Kaya tataas ang presyo ng mga bilihin, gastusin, pamasahe, and so on and so forth, most likely,” aniya pa.
Sa ilalim naman ng Executive Order No. 7, Series of 2026, ipinag-utos ang 50 porsiyentong pagbawas sa konsumo ng gasolina sa lahat ng departamento, kawanihan at tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Translation? “Bawal” ang mga hindi mahalagang biyahe, suspendido ang mga “lakbay-aral,” at inaatasan ang mga opisina na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente at pagsasagawa ng online meetings kung maaari.
“Ayaw kong pangunahan ang sitwasyon, pero para sa layuning makiisa tayo sa direksyon ng pambansang pamahalaan, hangga’t maaari, mabawasan natin ang mga hindi kinakailangang gastos,” pahayag pa ni Domagoso.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).


Comments are closed.