Resolusyon na tumakbong VP si Digong ‘di aprub kay ‘Pac-Man’

“Walang masama na ‘pulsuhan’ ang masa—Rep. Martinez

0 380
WALANG nakikitang masama ang ilang kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino- Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa ginagawang pag-iikot ng partido sa iba’t-ibang lugar sa bansa upang alamin ang tunay na nangyayari sa buong kapuluan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ito ang tahasang sinabi ni PDP-Laban at House Deputy Speaker Eric Martinez ng Valenzuela City, kasabay ang pahayag na wala siyang nakikitang mali sa ginagawa ng partido na “pulsuhan” ang publiko hinggil sa mga ginagawa ng gobyerno, sa mga programa at proyekto nito, lalo na sa  kampanya kontra COVID-19.

Aniya pa, sa kanilang ginagawa, lumabas din na “kuntento” ang mga miyembro ng PDP-Laban sa ginagawa ng pamahalaang nasyonal lalo na sa usapin ng paglaban sa krimen at pagresponde nito sa pandemya na COVID-19.

Lumabas din umano sa kanilang mga konsultasyon, kung saan naimbitahan din si Martinez, na gusto ng kanilang kasapian na ipagpatuloy ng administrasyong Duterte ang pagseserbisyo nito sa tao, dahilan upang ang karamihan sa kanilang mga ‘local chapters’ ay maglabas ng resolusyon na humihikayat kay Pang. Duterte na tumakbo  bilang bise presidente ng bansa sa susunod na taon.

Ang paglilinaw ni Martinez ay matapos ipahayag ni Sen. Manny Pacquiao, bilang ‘acting president’ ng PDP-Laban, na bumabatikos sa umano’y “maagang pamumulitika” ng kanyang mga kasamahan sa partido.

“Iyong mga resolusyon na humihikayat na patakbuhin ang Pang. Dutete na pangalawang pangulo ay kabahagi ng desisyon ng mga miyembro, na kailangang magkaroon ng “continuity” ang ginagawa ng liderato ng bansa,” ani Martinez.

Walang nakikitang masama si House Deputy Speaker at Valenzuela Rep. Eric Martinez sa ginagawang konsultasyon ng PDP-Laban sa mga kasapi nito kung payag silang tumakbong bise presidente si Pang. Digong sa susunod na taon.

Sa isinagawa namang ‘press conference’ ni Pacquiao noong Biyernes, Marso 12, 2021, partikular nitong binatikos si Department of Energy (DOE) secretary, Alfonso Cusi, hinggil umano sa maagang pamumulitika, sa halip na tumulong sa taumbayan ngayong panahon ng pandemya.

“Bilang acting president ng partido, karapatan ko na aksyunan ano man ang ginagawa ng lahat ng miyembro ng partido…

“…Karapatan ko na ituwid kung ano man ang mali; mali na as early as this na pulitika na agad ang pinag-uusapan natin,” ani Pacquiao. Dapat umanong asikasuhin na muna ng partido ang “pagtulong” sa tao dahil “maraming naghihirap ngayon.”

Kinuwestyon din ni Pacquiao ang resolusyon na nag-uudyok kay Pang. Duterte na tumakbong bise-presidente. Aniya, hindi niya kinikilala ang nasabing resolusyon bilang panguilo ng PDP-Laban kaya ito ay ‘unauthorized’ o hindi niya pinahintulutan.

“Hindi ko yan pinapahintulutan. Hindi yun sanctioned, ‘di yun authorized,” diin pa nito.

Ang tinuran ng 8-division boxing champion ay nagpataas naman ng kilay ng ibang kasapi ng partido.

Anila, “labis” ang kanilang “pagtataka” kung bakit tila “tutol” si Pacquiao sa resolusyong humihimok sa Pangulo na tumakbong bise-presidente na itinutulak din ni Cusi bilang ‘party vice chairman.’

“Dapat nga matuwa s’ya sa resolusyon dahil ang PDP-Laban ang partido ng Pangulo, na kung saan malinaw na madadala ni Duterte ang buong slate ng lapian tungo sa tagumpay sa 2022,” anang isang lider ng PDP-Laban sa Metro Manila.

Hinamon din ng mga miyembro ng PDP-Laban si Pacquiao at mga kasama nitong hindi naging masaya sa ginawang resolusyon na maging ‘honest’ kung ano ba talaga ang kanyang plano sa 2022 election.

“Parang may naaamoy kaming kakaiba sa kanyang motibo kaya’t siguro maging tapat na lamang siya sa kanyang plano at saka namin ito pag-usapan ng partido,” anila pa.

Ilan sa mga proyekto ng administrasyong Duterte na nagustuhan ng mga miyembro ng partido at nagpaangat sa antas ng pamumuhay sa bansa ang ‘Build, Build, Build program,’ ‘free college education,’ ‘free irrigation,’ pagsasabatas sa 4Ps, murang gamot, ‘Malasakit Centers,’ kampanya laban sa droga at kriminalidad at marami pang iba.

Leave A Reply