Kampo ng ‘exploited child’ nagpasaklolo sa Supreme Court
NAGPAPATULONG na sa Korte Suprema ang isang anti-corruption advocate sa reklamong pang-aabuso sa dalawang piskal sa Olongapo City Prosecutor’s Office at mga umano’y kasapakat nila hinggil sa umano’y ‘child exploitation’ sa isang bata mula sa tribong Aeta dahil sa mabagal na pag-usad ng proseso na umabot na ngayon sa higit isang taon.
Nitong Huwebes, Abril 23, pormal na isinumite ni Monalie ‘Alie’ Dizon, Secretary General, Coalition Against Corruption at Kilusang Pagbabago National Movement for Change sa tanggapan ni Chief Justice Alexaner Gesmundo ang kopya ng kanilang liham kay Prosecutor General Richard Fadullon.
Tinalakay sa 10-pahinang reklamo ang umano’y kabiguan ng Olongapo OCP na mabigyan sila ng ‘audio’ at ‘video recordings’ sa nangyaring ‘clarificatory hearing’ sa loob ng Piskalya noong Marso 24, 2025.
Ang nasabing pagdinig ay patungkol sa pagpapatunay ng ina ng bata na hindi totoong ‘rape victim’ ng isang ‘foreign investor’ sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kanyang anak na dalagita.
Sa ginawang imbestigasyon ng grupo ni Dizon at ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC), lumalabas na biktima ang bata ng human trafficking, illegal detention at child exploitation upang ma-blackmail umano ng grupo ang dayuhan ng milyong halaga.
Ani Dizon, maipapakita sa nasabing video at audio recordings ang “pang-aabuso” sa tungkulin (grave abuse of authority) at harassment na kanilang dinanas sa kamay nina Deputy Chief Prosecutor Elizabeth Escuso at Associate Prosecutor Ria Sususco nang samahan niya ang ina ng bata sa nasabing pagdinig.
Ang dalawang piskal at ilan pang indibidwal at opisyal mula sa SBMA at isang kagawad ng media ay nasampahan ng mga kasong administratibo sa DOJ noon ding Marso 2025 bukod pa sa mga kasong kriminal na nasa Piskalya naman sa Nueva Ecija matapos ilipat doon ng DOJ ang imbestigasyon upang matiyak ang integridad ng proseso.
Ang mga kaso ay isinampa ng VACC at grupo ni Dizon at may kinalaman sa ginawang pang-aabuso sa bata at sa kanyang mga karapatan.
Pinansin pa ni Dizon na sapul nang magsimula ang mga pagdinig sa Nueva Ecija Prosecutor’s Office, patuloy umano silang bigo na makuha ang buong kooperasyon ng Olongapo OCP sa pagkuha ng mga ebidensiya na magpapatibay sa reklamo laban kay Sususco, Escuso at iba pa. Ang Olongapo OCP ay nasa pamumuno ni City Prosecutor Charlie Yap.
“Ayaw naming magbintang subalit sa sobrang itinatagal ng proseso, hindi maiwasan ang suspetsa na may nangyayaring pagtatakip o sabwatan upang hindi mabigyan ng hustisya ang bata at ang kanyang pamilya,” ani Dizon.
Nagtataka rin umano sila na sa kabila ng mga seryosong bintang kay Sususco at Escuso ay wala pa ring naipapataw na ‘disciplinary action’ sa dalawa si Yap at ang DOJ hanggang sa ngayon.
Umaasa naman si Dizon sa agarang aksyon ng Korte Suprema at tanggapan ni PG Fadullon hinggil sa bago nilang reklamo.


Comments are closed.