Banner Before Header

‘OPEN WAR’ NA SINA PBBM, VP SARA!

PBBM nagsalita na sa ‘kill order’ ni VP Inday

7,145
NAPUNO na ang “salop ng pagtitimpi” ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. matapos palagan ang ginawang pagbubunganga at pagbabanta sa social media ni Bise Presidente Sara Duterte na aniya’y masyado nang “nakakabahala.”

Bagaman walang binanggit na pangalan, malinaw na si Duterte ang pinatutungkulan ng Pangulo sa kanyang ‘video message’ sa publiko nitong Lunes, Nobyembre 25 kung saan tinukoy ang ibinulgar ni Dutere na “kumausap” na siya ng isang tao na ang misyon ay patayin ang Pangulo, si Unang Ginang Liza Araneta Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sakali umanong ipapatay din siya ng mga ito.

“Kung ganun na lang kadali ang planong pagpatay sa isang presidente, paano pa kaya ang mga pangkaraniwang mamamayan,” ani PBBM.

Sa kanyang social media post nitong Sabado, pinagmumura ni Duterte sina PBBM, First Lady at Romualdez na sa bandang huli ay nauwi sa pagbabanta matapos ibulgar na may kinausap na siyang ‘assassin’ sakaling una siyang ipapatay ng kampo ng Pangulo.

Mabilis naman ang naging aksyon ng Palasyo matapos agarang utusan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Presidential Security Group (PSG) na imbestigahan ang banta at higpitan pa ang seguridad ng Pangulo. Ani Bersamin, isang “aktibong banta” (active threat) sa buhay ng Pangulo ang mga tinuran ni Duterte.

Nag-ugat ang lahat matapos magdesisyon ang Kongreso na ikulong si Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Duterte matapos umanong mabigong ipaliwanag ng maayos ang mga gastusin sa tanggapan ng Ikalawang Pangulo.

Uminit pa ang ulo ni Duterte nang magdesisyon ang Kongreso na ilipat sa ‘Women’s Correctional Facility’ sa Mandaluyong City si Lopez, bagaman wala itong nakasampang kaso o napatawan ng parusa ng ano mang korte.

Pansin ni Duterte, nagsimula ang umano’y “panggigipit” sa kanya ng administrasyon at pagsira sa kanyang pangalan at pamilya matapos siyang kumalas  sa paghawak ng ano mang posisyon sa gobyerno, bilang kalihim ng Edukasyon (DepEd) at ‘vice-chair’ ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong Hunyo.

Inakusahan din niya si Romualdez bilang nasa likod ng mga atake sa kanya ng mga kasapi ng Kongreso para naman sa sarili nitong ambisyon na sumunod na pangulo ng bansa matapos ang termino ni PBBM sa 2028. Magpinsang buo sina Romualdez at Marcos.

Ani, Duterte, “hindi” magiging presidente si Romualdez na aniya pa ay “protektor” ng POGO at tumatanggap din umano ng suhol mula sa mga smuggler.

Sa kanyang 3-minutong mensahe sa publiko, ipinagtanggol naman ni PBBM ang mga ginagawang imbestigasyon ng Kongreso na halos lahat ay nakatutok sa mga Duterte.

“Hindi tama ang pagpigil sa mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan. Ang katotohanan ay hindi dapat ‘itokhang,’” diin pa ng Pangulo, patungkol sa bintang na tumatanggi si Duterte na humarap sa mga pagtatanong ng Kongreso at Senado at sagutin ang mga tanong hinggil sa naging mga paggastos ng DepEd sa pondo nito.

Ayon pa kay PBBM, “hindi ko hahayaan magtagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika.”

“Igalang natin ang proseso, tuparin natin ang batas,” diin pa ng Pangulo.

Comments are closed.