ISANG mahalagang hakbang ang anunsiyo ng PCO na tutukuyin, hahanapin, at sasampahan ng kaso ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling balita hinggil sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panahong mabilis kumalat ang fake news, ang ganitong aksyon ni PCO Secretary Dave Gomez ay isang malinaw na babala na may pananagutan sa batas ang nagpapakalat ng kasinungalingan dahil sadyang hindi biro ang epekto ng disinformation.
Maaari nitong guluhin ang isip ng publiko, pahinain ang tiwala sa pamahalaan, at ilihis ang atensyon mula sa tunay na mga isyung dapat pagtuunan.
Kaya naman kapuri-puri ang maagap na pagkilos ng PCO, lalo na’t napansin nila ang sabay-sabay at organisadong pagkalat ng maling impormasyon, na isang indikasyon na may mas malalim na layunin ang mga nasa likod nito.
Sa pamumuno ni Secretary Gomez, ipinakita ng ahensya na hindi sapat ang simpleng pagkontra sa fake news.
Kailangan itong harapin nang may tapang at konkretong aksyon, mula sa pagtukoy sa mga responsable hanggang sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
***
Samantala, nananatiling matatag si PBBM at ayon mismo sa kanya, maayos ang kanyang kalusugan. Higit pa rito, nananatili ang kanyang pokus sa mas malalaking hamon ng bansa, partikular ang energy emergency, na isang isyung direktang nakakaapekto sa bawat pamilyang Pilipino.
Sa huli, laban ng katotohanan ang laban kontra disinformation. At sa kasalukuyang direksyon ng PCO, malinaw na hindi lamang nagmamasid ang pamahalaan. Bagkus, kumikilos ito, naninindigan, at handang ipagtanggol ang tama.
***
Mas pinaigting nina Commissioner Ariel Nepomuceno at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) district collector Atty. Yasmin Mapa ang paglaban kontra sa iligal na droga.
Sa pamumuno ni Comm. Nepomuceno, pinaigting ang kampanya kontra droga, isang hakbang na hindi lamang nagpapakita ng matibay na liderato kundi ng malinaw na direksyon tungo sa mas ligtas na Pilipinas.
Ang matagumpay na pagkakasabat ng mahigit P20.65 milyong halaga ng hinihinalang ‘Ecstasy’ at shabu sa NAIA ay patunay na epektibo ang istratehiya ng ahensya. Hindi ito basta operasyon lamang, resulta ito ng masusing ‘intel gathering,’ ‘close inter-agency coordination’ at determinasyon na harangin ang pagpasok ng lason sa ating lipunan.
Dito rin napuri si Collector Mapa na tahimik subalit epektibong nagpapatupad ng mahigpit na pagbabantay sa pinakamahalagang “pintuan” ng bansa, ang NAIA.
sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, lalong pinatatag ang seguridad sa NAIA at hndi maikakaila na ang ganitong uri ng pamumuno—matatag, disiplinado, at may malinaw na layunin, ang siyang kailangan sa panahong ito.
Ang pinagsamang puwersa nina Nepomuceno at Mapa, nagpapakita na kapag ang liderato ay may integridad at malasakit, magbubunga ito ng kongkretong tagumpay.
Sa huli, ang laban kontra droga ay hindi lamang trabaho ng iilang ahensya. Laban ito ng buong bansa.
At sa likod ng bawat matagumpay na operasyon, mahalagang kilalanin ang mga lider na hindi natitinag sa kanilang tungkulin at mga opisyal na tunay na kumikilos para sa kapakanan ng mamamayan.
***
Ingatan ninyo ang inyong resibo nang binayaran, itago, ipunin, kasi may mga loko sa mga branch ng Meralco na sisingilin ka sa mga buwan na bayad ka na.
Kasi sa computer daw nila, nakalagay ganitong taon o buwan e, walang rekord na nagbayad ka.
Kapag wala kang naipakitang resibo, tapos ka na: putol ang kuryente mo pag di mo binayaran ang “utang” mo na bayad naman kaya lang wala kang maipakitang resibo.
Kung maipakita mo na bayad ka, sasabihin, ay “Nakita na po sa computer, nakabayad na pala kayo!”
Putang-ama, “amoy” scam, tama ba?
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).


Comments are closed.