NAALALA natin ang matandang kasabihan: ‘Humarap muna tayo sa salamin at tingnan baka tayo ay may dungis sa mukha o may muta sa mga mata, bago natin sabihan o kutyain ang ating kapwa.’
Nasabi natin ito dahil marami sa ating mga kapatid sa hanapbuhay, kung ipagmalaki ang sarili ay para bang sila ay maputing-maputi sa kalinisan at walang kahit anong mantsa sa propesyon at maging sa pagkatao nila.
Kung makapag-alipusta sa kapwa nila mamamahayag, parang sila ay “Santo” at larawan ng kabanalan.
Ssubalit, ano ba ang pagkatao ng ilan sa kanila? Mga “kaibigan” ng mga “iligalista” (gambling lords, karamihan).
Bakit kailangan natin itong isulat? Sobra na kasi ang kanilang panghahamak!
Hindi natin sila pinakikialaman kung paano nila nais patakbuhin ang kanilang mga buhay.
Hindi rin naman natin sila kinikibo o sinisiraan. Kayo ay malaya na gawin ang inyong gusto.
Live and let live!
***
May ilang nagtanong: Bakit daw sa kabila ng mga reporma at kampanya kontra katiwalian at korapsyon sa Bureau of Customs (BoC) ay hindi pa rin mabuwag ang mga sindikato ng ismagling at mga palusutan dito?
At ang kasunod na tanong: Dapat na nga bang palitan ang mga kasalukuyang opisyales dito at maglagay ng mga “Santo” sa Customs para tuluyang itong malinis?
Sa nakaraang administrasyon, may malalaking sindikato na rin sa loob at labas ng BoC ang inusig at sinampahan ng mga kasong nililitis pa ang marami sa Ombudsman, Sandiganbayan at sa mga korte.
Pero, makaraan ang ilang buwan, ang galak o katuwaan dahil sa mga naisampang kaso, napapalitan ng pagtataka at ang tanong, Anyare?
Dahil nga kasi nagawa ng ilan na makalusot sa lambat at sapot ng hustisya.
Nagpapagunita ito dear readers sa matandang kasabihan: Gamo-gamo, langaw at kulisap lamang ang mahuhuli ng sapot ng gagamba.
Tiyak na wasak ang sapot kung ang tangkang huhulihin ay isang agila.
Gayundin, walang matibay na lambat kung ang huhulihin ay mga dambuhalang pating sa katihan.
Masakit aminin, pero ito ang patuloy at tunay na nasasaksihan ng bayan.
At may mga “santo” ba naman kayang papayag na mamahala sa Customs at iba pang ahensya ng pamahalaan na “markado” sa katiwalian?
Noong mga lumipas na panahon, pawang mga makikisig at disiplinadong ‘mistah’ ng Philippine Milutary Academy (PMA) ang ipinuwesto o naipuwesto sa BoC.
Sa simula ay kasama sila sa paglutas sa problema, pero nang magtagal, sila na ang naging pinakamalaking problema sa Aduana.
May pag-asa pa ba na mapatino ang Customs?
Ano kaya ang masasabi ng Malakanyang, Department of Finance at, taga-BoC mismo?
(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).


Comments are closed.