‘ANYARE sa balitang inimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at may mga mga kinasuhan ng graft– noon at ngayon– na mga opisyales sa Bureau of Customs (BOC), partikular sa Accounts Management Office (AMO) na umano’y nag-apruba sa ‘accreditation’ ng mga hao-shiao at ghost import and export company?
Kailan din kaya uusigin ang mga ‘ex-BIR (Bureau of Internal Revenue) officials’ na umano’y “niyari” ang tax exemption ng mga malalaking kumpanya?
Kailan naman kaya uusigin ang mga kasalukuyan at dating opisyales Department of Agriculture (DA) at Land Registration Administration (LRA) na sangkot sa katiwalian?
“Patay” ang mga local farmers at livestock growers sa talamak na importasyon ng bigas, pork, manok, beef, sibuyas, bawang, carrots at frozen fish.
Kaya maraming nahihikayat at NPA ay dahil maraming landgrabber ang nagtagumpay na maagaw ang lupa sa mga magsasasaka at katutubo dahil kasabwat ang mga opisyal ng LRA at mga opisyal ng Register of Deeds (RDs) sa mga lalawigan.
Kumusta rin ang korapsyon sa telecommunications (Telcos) at iba pang public utilities, huwag nang banggitin pa ang katiwalian sa mga LGUs na tagos hanggang sa kapitan ng mga barangay.
Tama ang sinabi noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na, talamak ang korapsyon sa gobyerno.
***
“Walang pera ng taumbayan ang involved sa ginagastos namin!”
Ilan lamang ito sa mga naging “palusot” ng mga gustong maupo sa kapangyarihan. Pera raw nila ang ginagastos? Hmm. kailan ba sila gumastos ng sarili nilang pera?
Kahit ang pondo para sa mga basketball court at waiting sheds na pera ng taxpayers, ibinibida ng mga politiko na ‘Project of Kongressman Tongpats.’ Paniniwalaan ba natin na kahit sa ganitong mga proyekto, sariling pera “nila” ang ginagastos ng mga ‘Honorable Solon?’
Kung totoo ang milagro ng mga dasal, mga kulto o seremonyas ng mga mangkukulam, puwede kayuang ipagdasal na “maglaho” na sila na parang mga bula?
Para medyo matahimik naman ang taumbayan sa kanilang mga walang katuturang paglulustay sa pera ni Juan dela Cruz!
***
Maraming kurso na iniaalok ng mga kolehiyo at unibersidad ay hindi tumutugma sa malaking pangangailangan ng labor market dito at sa ibang bansa.
Sa ibang bansa, ang kailangan pa rin doon ay manual work tulad ng mga welder, carpenter, laborer, ITs, nurses at mga inhinyero at iba pang gawain may kinalaman sa agrikultura, construction at iba pang lakas paggawa.
Dito dapat na ituon ng mga paaralan ang kanilang kurikula at hindi sa kinamihasnang kursong ‘white collar job.’
Umaalma rin ang mga magulang dahil umarangkada na naman ang mataas na tuition, matriculation fees at iba pang bayarin sa mga paaralan.
***
Wala tayong tutol sa libelo, lalo na kung tunay na abusado ang isang mamamahayag.
Ang tinutulan natin ay ang aspetong kriminal ng batas na ito na dapat amyendahan na para ang tunay na damdamin ng bayan – sa pamamagitan ng panulat at bibig ng mga lehitimong mamamahayag ay maisiwalat.
Kailangan ang matapang na publisher, mamamahayag at brodkaster sa paglalantad ng kabulukan sa pamahalaan at ito naman ang isa sa mahalagang tungkulin ng media: maging “tanod ng bayan” sa paglaban sa katiwalian.
Alisin na ang pagpapakulong sa mga nasa media: Decriminalize libel, tungo sa mas lantad at mas matapat na pamamahala sa bayan.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.