‘Libel’ huwag nang gawing krimen at ang patuloy na problema sa ‘Telcos’

UULITIN natin, dear readers: Totoo at dapat na aminin, may mga ‘journalist’ o nagkukunwaring mamamahayag ang abusado, iresponsable at sadyang dapat na kasuhan ng libelo.

Ginagamit lang nila ang kalayaan sa pamamahayag sa paninira ng reputasyon, dangal at pagkatao ng kanilang target na “pasamain” sa publiko — ang dahilan ay maaaring sila ay bayarang ‘character assassins’ o dahil sa pulitika.

Bagaman, mas marami pa rin sa hanay ng media ay matapat sa tungkukin bilang bahagi ng ‘Fourth Estate’ at “pundasyon” ng mamamayan laban sa katiwalian, mapanupil na pamamahala ng mga buktot sa kapangyarihan at paglaban sa mga organisadong kriminal.

Ginagamit nila ang kasong libelo (libel) upang sikilin, takutin at busalan ang matatapat na journalists sa pagsisiwalat ng kabulukan at kriminal na gawain.

Halimbawa: Isang “POGO operator” ang nagsampa ng kasong libelo laban sa isang editor/columnist at reporter at “siniguro” pa ng abogado ng POGO operator na maipakukulong at pagmumultahin pa ng daan-daang libong piso ang inakusahan.

Dahil dito, natigil ang ‘exposé’ laban sa POGO operator, umakyat sa korte ang reklamong libel at naisyuhan ng warrant of arrest ang columnist/reporter.

Ang ganitong mga insidente ay isa sa mga dahilan kaya suportado natin noon pa ang mga mambabatas na nagpapanukala na alisin na sa Kodigo Penal (Penal Code) ang libelo bilang isang kasong kriminal.

Sa ganang atin, sapat na parusa sa libelo ay ang pagbabayad ng multa, hindi ang pagkabilanggo.

***

Kailan kaya pagsasabihan o babantaan man lang ni PBBM ang Smart, Globe, Converge, DITO at iba pang ‘telcos’ hinggil sa mabagal na internet speed at interconnection na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers nila?

Sa panahon kasi ni Pang. Duterte, binantaan niya ang mga telcos partikular ang PLDT-Smart at Globe na kung hindi nila aayusin ang internet speed at interconnection ay babawiin ang kanilanbg prangkisa at gobyerno na ang magpapatakbo sa operasyon nila.

Ganito rin ang kinasasabikan nating marinig mula kay PBBM.

Hanggang ngayon kasi, pulos ‘praise releases’ lang ang nakita nating ‘improvement’ sa kanilang serbisyo.

Ngayon na marahil ang panahon para kastiguhin ni PBBM ang mga telcos, partikular na ang Smart at Globe.

Pabor din tayo na patawan ng mabigat na multa ang mga telcos na ito. Patuloy silang kumikita ng bilyones sa kabila ng super kupad at palpak nilang internet service.

Kunektado na ngayon ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.

Mahalaga ito sa mabilis na pagkuha ng impormasyon, kaalaman at sa mabilis na daloy ng negosyo, komunikasyon, edukasyon, siyensiya, kalusugan, etc.

Malaki ang maitutulong sa pagbangon ng ating  ekonomiya kung mahusay ang serbisyo ng ating mga telcos kung saan nasa mahigit na 90 milyon ang internet users sa Pilipinas.

***

Isama na rin sa mga dapat “malatigo” ni PBBM ang National Telecommunications Commission (NTC) na siyang “nagpupulis” sa mga telcos.

Dapat din na utusan ni PBBM ang NTC na magtakda ng mandatory speed targets sa mga internet service providers (ISPs) bawat taon, at kung hindi ito magawa, ay patawan ng malaking multa kada araw.

Ano na rin pala ang nangyari sa panukala noon sa Kongreso na kung mabigo ang telcos na masunod ang itinakdang internet speed, papatawan sila ng P1 milyon multa bawat araw o P365 milyon kada taon?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).