‘Wag nating ipakita na  duwag tayo sa China!

MAPAPANSIN, madalas na naman ang ginagawang pambu-bully ng China sa atin kaya ang pagkapit natin sa Mutual Defense Treaty ay isang kasiguruhan nang handang pagtulong ng US kasama na ang pinaigting na EDCA (enhanced defense cooperation agreement) sites sakaling lumala ang banta sa atin ng China. Nariyan ang US na tutulong sa ating depensa kung may mangyaring kaguluhan o bantang pananakop ng China.

Makikita ngayon kung sino ba talaga ang ating kaibigan at kung sino ang nagkukunwaring kaibigan.

Maliwanag ang sinabi ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi naman sa ayaw niya sa China, katunayan maraming kasunduan sa imprastruktura, negosyo at iba pa na patuloy na umiiral.

Tanging ang nais ng ating Pangulo, irespeto ng China ang ating teritoryo. Nais nga ni PBBM, ano man ang problema ay makuha sa diplomasya.

Nagtitiwala tayo na lahat ng ginagawa ni PBBM ay para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino; tinutupad niya ang sinumpaang tungkulin na itataguyod sa lahat ng panahon ang interes ng Pilipinas.

***

“Bakit” daw galit na galit ang inyong lingkod sa China at mga pekeng Pinoy na narito sa Pinas?

Kung ipagtanggol ko raw ang mga kapanalig (allies) ng ating bansa partikukar ang United States of America (USA) ay wagas at dalisay.

Bakit ko nga ba ipinagtatanggol ang Amerika?

Di ba dear readers kamakailan ay inilathala ko sa pitak na ito na matatag ang relasyon ng Pilipinas at US, lalo na sa larangan ng seguridad at ekonomya.

Pinaigting ang matatag na relasyon nang bumisita uli si PBBM sa White House nitong Hulyo kung saan tiniyak ni President Donald Trump na ang malakas na puwersa ng Navy at militar nito ay nasa likod ng Pilipinas sakaling lumala pa ang tensyon sa pagitan ng Pinas at China.

Sinigurado ng White House, sakaling may external threat sa ating bansa, ang malakas na armadong puwersa ng US ay nakahanda at nasa likod ng Pilipinas.

‘Yung mga kritiko na nagsasabi na ‘inaapuyan’ ng US ang iringan sa West Philippine Sea ay mali. Malinaw kasi ang China na kaibigan daw natin ang nambu-bully at kita naman ito sa mga itinayong military and naval bases nito sa Spratly na ito ay sakop ng ating exclusive economic zone (EEZ) at sovereignty rights natin.

Sobrang dami na ang protesta natin kontra China. Aabot na sa 700 diplomatic protests na ang ating isinampa dahil sa lantarang panggigipit nila sa ating sea patrol vessels at sa ating Pinoy fishermen pero ang katwiran nila, ang nasabing lugar ay “kanila.”

Balewala sa China ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ibinasura ang pag-angkin ng China sa teritoryo, base sa kanilang 9-dash line.

Hindi sila makuha sa maayos na usapan, kaya tama ang ginawa ni PBBM nang pumayag itong dagdagan ang EDCA sites nang sa gayon ay magkasamang mabantayan ng sundalong Amerikano at Pilipino ang ating  teritoryo sa WPS.

***

Hindi po natin iminumungkahi na magpakita tayo ng tapang laban sa China na hindi natin kayang mapanindigan.

Pero, kailangan nating ipakita ang malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato na ibinibigay sa atin ng China.

Kailangan marahil na magpakita tayo ng isang matinding golpe de gulat gaya ng pagtataas ng boses kontra China, di po ba?

‘Wag nating ipakita na duwag at wala tayong “yagbols” kontra China, period!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).