Banner Before Header

‘ConAm’ napapanahon pa ba?

0 82
USAP-USAPAN na kamakailan ng maraming netizen sa social media ang pag-amyenda sa 1987 Constitution (constitutional amendment), na anila ay delikado dahil maaaring pakialaman ang ilang probisyon tungkol sa term limit at paliwigin ang termino ng presidente, senador at congressman.

Mapagkakatiwalaan ba natin ang ating mga mambabatas na hindi nila unahin at galawin ang term limit ng mga politiko at iba pang mga halal ng bayan, tanong ng mga netizen?

Matagal-tagal nang pinag-iisipan ng ilang mambabatas at eksperto sa batas ang pag-amyenda sa Saligang Batas, at ilan nga sa tinatarget mga masugid kong tagasubaybay ay ang Sections 16, 17, 18, 19, 20 ng Articles VI, VII, VIII na nagbibigay ng sobrang kapangyarihan sa Presidente tulad ng pagsibak sa tungkulin sa sinomang opisyal at kawani ng mga departamento, kawanihan, korporasyon at iba pang sangay sa ilalim ng executive branch kahit walang makatwirang dahilan.

Nasa kamay rin ng Pangulo ang kapangyarihang magdeklara ng martial law, suspendihin ang  writ of habeas corpus at palayain at bigyan ng presidential pardon ang isang kondenadong kriminal.

Sa 1987 Constitution, kahit na may Local Government Code, mahigpit pa rin ang hawak ng Malakanyang sa mga lokal na pamahalaan.

‘Restrictive’ daw ang Article XII (National Economy and Patrimony) na pinapayagan lamang ang 40 porsiyento na maaaring ipasok na foreign direct investments, kaya lugmok pa rin sa hirap ang ekonomiya ng bansa.

Dahil daw sa restrictions na ito, walang gana at atubili ang malalaking mga higanteng foreign investments na ibuhos ang kanilang kapital sa negosyo.

Gawin na raw 100 porsiyento ang karapatang magmay-ari ng lupa at negosyo ang mga dayuhan at kung luluwagan ito, darami ang industriya.

 

Inihalimbawa ng ilang mambabatas ang kaluwagang ibinibigay ng Vietnam at ng Singapore sa mga dayuhang investor kaya ang dalawang bansang ito ay naging mabilis ang paglago ng ekonomya at industriya.

May nagpapanukala na payagan ang mga dayuhan na magmay-ari ng kompanya sa media – na sa batas natin, reserbado lamang ito sa mamamayang Filipino.

Sa mga negosyo, 40 porsiyento lamang ang puwedeng isapi sa kapital ng isang dayuhan, at ito ay nais na luwagan upang dumami ang investor sa bansa.

***

Pero sa kabila ng restrictions, nagagawa ng mga dayuhan, kasabwat ang magagaling na politiko at eksperto sa batas, nagagawa nilang mapalusutan ang mahigpit na batas at marami sa mga dayuhan ay 100 porsiyento sa pag-aari ng mga negosyo sa paggamit ng dummy at patong-patong na paglikha ng korporasyon na gamit ang mga Filipinong kasosyo.

Maaari ngang may dapat nang amyendahan sa ating Saligang Batas, pero takot na takot ang mga mamamayan sa ating mga politiko at mambubutas este mambabatas.

Sa pagkalikot kasi sa batas, may pagkakataon na galawin ng mga mambabatas ang maraming batas at baguhin nga ang term limit ng mga politiko at halal ng bayan.

Paano nga naman dear readers kung sa pagkalikot sa ating Saligang Batas ay itakdang palawigin ang termino ng presidente, mga congressman at senador?

Mapagkakatiwalaan ba natin ang mga mambabatas na hindi nila kakalikutin at gagawin ang tuluyan nang alisin ang term limit sa pagtakbo sa halalan ng lahat ng opisyal ng gobyerno.

Baka sa pagpaluluwag sa ‘restriction’ ay tuluyan nang maisuko ang soberanya ng bansa kapalit ang kamal-kamal na salapi ng mga dayuhan at ng mapagsamantalang oligarko.

***

Kinatatakutan din na baka galawin ang iba pang artikulo at probisyon sa Saligang Batas na dito, malaki ang takot ng mga mamamayan.

Walang tiwala ang mga mamamayan sa Kongreso at Senado – na binuo ang sarili bilang constitutional assembly.

Bakit up to now ay laman pa rin ng mga isipan ng mga mambabatas na amyendahan ang Konstituyon?

Sa magkanong dahilan naman kaya mga kababayan?

Maasahan ba sila na gumawa ng batas na tatapyas sa kanilang kapangyarihang politikal na ginagamit nila sa walang takot na pagsimot sa kaban ng bayan?

Gagawa ba ang mga politiko at mambabatas ng amyenda na dudurog sa dinastiya at poder na hawak ng kanilang angkan?

Eh, kung sa panahon ni dating Presidente Rodrigo Duterte na maton at mabagsik na, hindi na nagkasundo ang Senado sa proseso at pagboto sa mga aamyendahang batas, at kung kailan ito dapat na tapusin at iharap sa bayan para sa isang plebesito.

Dahil ang gusto ng Kamara, bumoto sila na kasama ang Senado pero giit ng mga senador dapat hiwalay sila sa pagboto sa pagtitibaying mga amyenda sa batas.

Kung dito pa lamang ay hindi na sila nagkasundo, sa panahon kaya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., maayendahan kaya ang 1987 Constitution?

Ang tanong, magtiwala naman kaya ang mga mamamayan kay PBBM sa napipintong pag-amyenda at pagkalikot sa ating Saligang Batas?

May tanong ang ilang netizen sa social media, bakit di raw unang amyendahan ay ang Kongreso at Senado.

At idinagdag pa ng mga netizen, bakit di na lang buwagin ng mga mambabatas ang Kamara at Senado?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply