MAY panawagan pala sa Malakanyang at Commission on Audit (COA) na “silipin” ang umano’y mga “anomalya” sa mga transaksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), partikular na sa ‘Ministry of Basic, Higher, and Technical Education’ (MBHTE) na nasa ilalim ni Minister Mohagher Iqbal, dating kumander ng MILF (Moro Islamic Liberation Front).
Isa na rito ay ang pagpapalabas umano ng P1.7 bilyon mula sa kaban ng BARMM sa loob lamang ng isang araw, noong Marso 7, 2025, para sa ‘Learner’s Kits’ at ‘Teacher’s Kits’ bilang preparasyon sa pagbubukas ng mga eskwelahan ngayong buwan ng Hunyo.
Partikular dito sa Teacher’s Kits, sinasabing kahit nabayaran na ng BARMM, “ibinebenta” pa rin ito sa mga titser? Abah, parang “lagareng Hapon” ang mga nasa likod, kung totoo!
Bulong sa atin ng mga miron, mayroon nang mga testimonya ang ilang mga ‘insiders’ sa BARMM hinggil sa mga umano’y ‘questionable transactions’ ng MBHTE.
“Naglalabasan” umano ang mga pondo para sa mga proyekto ng MBHTE pero hindi alam ng hepe sa ‘Finance Division?’
Kaya hindi umano narerepaso ang detalye ng mga gastusin na isang paglabag sa itinakdang mga proseso upang matiyak ang ‘accountability’ at ‘transparency.’
Take note, katulad sa ating pambansang badyet, ang MBHTE ang may pinakamalaking badyet sa BARMM dahil may kinalaman ito sa edukasyon o higit P36 bilyon na halos ‘one-third’ sa kabuuang badyet ng rehiyon.
Nakikialam din umano itong si Apsi ‘Boss A’ Abas, pamangkin ni Minister Iqbal sa mga transaksyon at operasyon ng MBHTE.
Mayroon pa umanong insidente noong 2022 na “ipinahinto” ni Abas ang naka-iskedyul na ‘training program’ para sa mga titser sa BARMM dahil hindi ang kanyang “inirekomenda” na mga hotel ang kinuha bilang ‘venues’ ng nasabing programa.
At dahil “ura-uradang” nakansela, “pumalag” ang mga hotel na nabigyan ng kontrata at nagbabalak umanong idemanda ang BARMM ‘for breach of contract.’
Matagal nang maraming “alingasngas” hinggil sa mga gastusin nitong MBHTE kung saan nauwi sa wala ang mga imbestigasyon dahil “sila-sila” lang din ang nag-imbestiga.
Nito namang Marso, pinalitan ni Abdulraof A. Macacua, dating BIAF (Bangsamoro Islamic Armed Forces) Chief of Staff, bilang BARMM Chief Minister ang ating kaibigan na si Murad A. Ebrahim, dating MILF chairman at Chief Minister sapul noong 2019.
Kung “papayagan” naman ng Malakanyang ang dating sistema na “sila-sila” lang din sa BARMM ang mag-imbestiga sa mga bintang laban sa kanila, eh, anong mangyayari, ES Lucas Bersamin?
Mas mainam na magkaroon ng isang ‘independent probe’ ang Palasyo para “magkaalaman” na, tama ba mga kabayan?
Bukas naman ang ating pitak sa ano mang paliwanag ni Minister Iqbal.
Abangan!
Comments are closed.