Banner Before Header

Handa nga ba ang gobyerno na ipagtanggol ang ating teritoryo?

2,546
SA Bureau of Customs (BOC), sa kabila nang sinasabi nilang all-out campaign versus smugglers ay tuloy-tuloy pa rin at namamayagpag ang ismagling sa mga pantalan.

Mismong ilang empleyado at opisyal ng BOC ay sinasabing mga kasabwat ng mga ismagler, mga tinamaan kayo nang…!

Ang iba, may sarili pang kumpanya ng customs brokerage. Kung “sila” mismo ang brokerage, tiyak ang mga palusot– undervaluation, misdeclaration– at ang iba naman ay gumagamit umano ng “sindikato” at kasabwat ang ilang Customs enforcers sa lantarang smuggling, totoo ba ito?

Kahit na matino ang nagpapatakbo ngayon sa BOC sa pamumuno ng bagong talagang si Commissioner Ariel Neponuceno, meron pa kayang pag-asang tumino ang ahensya?

Kasi, kung mas marami ang magnanakaw at corrupt, maaalis pa kaya ang tatak ng Aduana bilang Flagship of Corruption?

Nagtatanong lang naman.

***

Sa usaping West Philippine Sea, malinaw na nasa loob ng ating teritoryo ang Ayungin Shoal at ewan kung abo ang utak o masakit man sabihin, estupido ang Pinoy na magsasabi na hindi atin ang WPS.

Sa mahinahon at matimping pahayag ng mga pinuno ng bansa, naipapakita naman nila na mahuhusay silang lider na ginagawa ang lahat ng kilos at salita upang di-mapasubo sa away ang bansang Pinas at ang kanilang paninindigan na ang Pilipinas ay laging nakasandig at nakasandal sa international law at sa pagtitiwalang kapayapaan ang mas kailangan ngayon ng bansa.

Dati pa sinabi ni Defense Secretary Gibo Teodoro ang intensiyon ng China na tayo ay pagalitin o magawang mapikon at “uurutin” nagumanti sa mga “barbaric act” ng Chinese Coast Guard (CCG). Aniya pa, “We refuse to play by the rules that force us to choose sides in a great power competition.”

Dagdag pa niya: “No government that truly exists in the service of the people will invite danger or harm to lives and livelihood.”

Pero, madiin ang sinabi ni Teodoro, ‘wag ipakahulugan na ang matimping kilos ng pamahalaan ay ipagkamali na isang kahinaan o karuwagan.

Hindi tayo papayag na paapi; hindi tayo magpapasakop at handang ipagpatuloy ang kalayaan ng bansa. “We will never be oppressed by anyone,” sabi ni Gibo.

Ipinangako ni Gibo, kasama si Pang. Bongbong Marcos, na gagawin nila ang higit pa sa makakayang gawin upang ipagtanggol ang teritoryo, kalayaan at karapatan ng bansa sa WPS dahil ang lugar ay hindi maaaring angkinin ng sino mang dayuhang bansa.

“We are on very solid international legal grounds on this,” sabi ni Sec. Teodoro.

Tungkol naman sa BRP Sierra Madre, ito ay sinadyand ibahura noong 1999 upang magsilbing military outpost natin. Ito ay lantarang pagsasabi sa mundo: Atin ang WPS!

Inihayag ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague sa Netherlands na atin nga, karapatan nga ng Pilipinas ang WPS, at hindi ito mababago pa, kahit tanggihan ng China.

Katunayan, ito ay tinatanggap ng komunidad ng mga bansa sa mundo kaya tama ang sinabi ni PBBM, nakatindig ang pag-angkin ng Pilipinas sa WPS sa isang solidong bato.

Kadikit lang — 120 miles — ng Palawan ang WPS, pero mahigit sa 621.371 miles ito sa Hainan island ng China!

Sa pisikal na layo o lapit, malinaw, “Atin ang WPS!”

At kung mangyari at hindi na maiiwasan pa, handa ang Pilipinas at ang US at iba pang kaalyadong bansa na ipagtanggol ang ating teritoryo.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.