ILANG ulit ko na ring natalakay ang tungkol sa makabayang tula na “Bayan Ko” na iniakda ng makabayan at makatang si Jose Corazon ‘Huseng Batute’ de Jesus.
Orihinal itong isinulat ni Huseng Batute noong 1929 sa wikang Espanyol at naging tampok na awitin ng protesta at pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos noong panahon ng Martial Law hanggang sa pagbalikwas ng taumbayan sa ‘People Power Revolution’ noong 1986.
Ngayon ay nagmaliw na ang init ng awiting ito na nagpaapoy sa makabayang Pilipino sa harap ng maliwanag na agresyon at pandadarag ng China sa usapin ng agawan sa WPS.
Ito na ang panahon na kailangan nang ihayag natin — para ba tayo sa pagpapanatili ng ating kalayaan, at ang paglaban sa mga nais na tayo ay sakupin?
Hindi na kailangan pang mag-alinlangan sa intensiyon ng China. Ayon sa huling balita, muli na namang nagsagawa ng delikadong maniobra ang mga barko ng Chinese Coast Guard kontra sa mga pangkat natin sa WPS.
Wag tayong pumayag na ang Ibon ng Kalayaang Malayang Lumilipad ay Maikulong sa Hawla ng Pagka-alipin.
“Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak /Bayan pa kayang sakdal dilag/Ang di magnasang makaalpas.
“Pilipinas kong minumutya/Pugad ng Luha at dalita/Aking adhika /Makita kang sakdal laya!”
***
Kung ang inyong lingkod ang tatanungin, dapat kamatayan ang parusa sa human trafficking at online sex exploitation ng mga bata at menor de edad.
Ayon sa batas, life imprisonment ang pinakamabigat na parusa, at P500K hanggang P10-milyon ang penalty sa convicted trafficker.
Dapat tingnan ng mga mambabatas na ang isang biktima, halimbawa isang 15-anyos na batang babae na bukod sa inaalila na ay pinagsasamantalahan pa, ito ay isang ‘continuing crime’ at higit pa sa iba pang ‘heinous crimes’
Isipin na lang: Isang anak na mula pagkasanggol — buong timyas na inaruga, minahal nang higit pa sa sarili mo, at lahat ng sakripisyo ay gagawin upang mapalaki lang nang maayos. At pagkatapos, dudukutin, aagawin sa iyo at saka aabusuhin.
Nakalulunos din na may mga magulang na udyok ng gipit na kahirapan, sila pa ang nagtutulak sa kanilang musmos na anak na ibenta ang katawan sa mga pedophile o ibuyangyang ang katawan sa online sex child trafficking.
Nakahihiya tuloy ang Pilipinas na hanggang ngayon ay tinatawag na “haven” ng human traffickers, at ayon sa ulat ng pulisya, talamak at patuloy ang krimeng ito.
Isang krimen na nakatago ang mga biktima, gusto mang ilitaw ang karumal-dumal na karanasang sinapit, ay napipilitang itago sa malaking takot, malabis na pagkapahiya sa sarili, at sa paniniwalang walang mangyayari magreklamo man dahil sa walang ikakayang itustos na salapi sa matagal, mabagal na proseso ng pag-uusig sa ating bansa.
Mungkahi natin: Dapat lumikha ng isang espesyal na korte na ang atas ay mabilis na pag-uusig sa loob lamang ng hindi lalagpas sa anim na buwan.
Justice delayed is justice denied, sabi nga natin.
Kamatayan din ang dapat iparusa sa human trafficking dahil ito ay kasalanang moral sa sangkatauhan.
Paulit-ulit na kamatayan ang sinasapit ng biktima ng mga human traffickers kaya dapatipataw rin sa kanila ang pinakamabigat na parusa.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).


Comments are closed.