Banner Before Header

Kailangan maging alerto si Speaker Martin Romualdez

5,724
MAPAGPALANG araw sa lahat ng ating mga tagasubaybay, kasama na ang mga kababayan natin sa Japan, Oman, Saudi Arabia, at ibang panig ng mundo.

Binabati natin sina:

Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Winger dela Cruz, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, Patricia Coronel, at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Marilou Co, Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia. Nawa’y lahat kayo ay nasa mabuti at ligtas na kalagayan.

God Bless!

****

Dapat laging alerto si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. Hindi kasi malayong may mga kumikilos para mawala ang suporta ng mga kongresista kay Speaker Romualdez, na pinsang buo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nakasisiguro tayong susubukan ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte na ibagsak ang liderato ni Speaker Romualdez.

Dahil nawala na ang kontrol ng administrasyon sa Senado ay gusto ng mga kalaban sa politika na makuha din nila ang pamunuan ng Kamara de Representante.

Kapag nangyari ito, hindi malayong ipa-impeach din nila PBBM.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, nagsisimula ang proseso ng impeachment sa Kongreso.

Kapag nakalusot sa House ang isang impeachment complaint ay pupunta ito sa Senado, kung saan lilitisin ang impeached official.

Kaya nga dapat kontrolado ng administrasyon ang House of Representatives para hindi makausad ang impeachment.

Hindi dapat magpakampante ang mga tagasunod ni Pangulong Marcos.

Kailangang all-out ang support ng Malakanyang sa liderato ni Speaker Romualdez.

Kaya ganoon na lang ang banat ni VP Sara kay Speaker Romualdez.

Sa nakikita natin, susubukan ng mga alipores ni VP Sara na ibagsak ang grupo ng Kongresista mula sa Leyte.

Sa tingin ng maraming political observers ay “iron clad” ang commitment ng mga kongresista kay Speaker Romualdez.

Tama ba, Speaker Romualdez?

***

Kahit pa kontrolado nina VP Duterte ang Senado ay mahihirapan pa din nilang hadlangan ang mga programa ni Pangulong Marcos.

Huwag natin kalimutan na sa ilalim ng ating Saligang Batas ay ang Pangulo pa rin ang “most powerful Filipino.”

Hindi mo basta masisindak ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Sa kasaysayan ng bansa, talaga namang laging oposisyon ang Senado.

Pero hindi naman lahat na lang ng mga programa ng nakaupong Presidente ay haharangin ng mga Senador.

Dahil nakikita naman ng taumbayan ang ginagawa ng ating mga mambabatas.

Sila naman ang pag-iinitan ng publiko kapag hinarang nila ang mga magagandang programa ng nakaupong Presidente.

***

Mahigit dalawang linggo na lang ay pasukan na naman ng mga bata.

Ang School Year 2025-26 ay magsisimula sa araw ng Lunes, Hunyo 16 at magtatapos sa Marso 2026.

Mabuti naman at ibinalik na ang pagbubukas ng mga klase sa buwan ng Hunyo para bumalik din sa Abril at Mayo ang summer vacation.

Dahil sa climate change ay sobra na ang init sa bansa, partikular sa mga buwan ng Abril at Mayo.

Mabuti sana kung may air-conditioning units ang mga silid-aralan ng mga pampublikong paaralan.

Hindi kagaya ng mga private schools na may mga air-con, ang mga public school buildings ay ni wala man lang mga electric fan.

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa +63 9178624485 email: vicreyesjr08@yahoo.com).

Comments are closed.