PAPASOK na ang 20th Congress sa Hulyo, pero hanggang ngayon, wala pa ring naisasabatas hinggil sa ‘Freedom of Information’ (FOI).
Sa Section 7 ng ating 1987 Constitution, matinding pinahahalagahan ang karapatan ng tao na mabatid ang mga impormasyon na may kinalaman sa kanila (public interest).
Mahigit 30 taon na ngayon, nanatiling bulag, pipi at bingi ang Senado at Kamara sa kahilingan ng madla at itinatakda ng Saligang Batas hinggil sa FOI.
Dahil walang FOI Law, sobrang hirap na mabigyang pagkakataon ang taumbayan na mabigyang pagkakataon na makakuha ng impormasyon tungkol sa trabaho at mga transaksiyon ng ating mga public officials.
Di ba po, ang sabi, ‘Public office is a public trust.’
Hindi tuloy magawa ng taumbayan na makalahok sa kilusang magpapabago ng talamak na katiwalian, kainutilan ng mga korap at kasabwat ng mga taong gobyerno na baluktot na ginagamit ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila ng mamamayan.
Madalas, may panawagan na sumali, kumilos ang publiko sa paglaban sa korapsyon, pero paano ito gagawin kung kapos, kulang sa impormasyon?
‘Yung simpleng request sa State of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno, “pahirapan” pa bago maibigay. At una agad na kontra sa paglalabas ng impormasyon ay ang Ombudsman.
Noong 2018, ipinagbawal ni Ombudsman Samuel Martires ang malayang pagbibigay sa media ng SALN ng mga public officials.
At kahit na may sariling bersyon ng FOI ang mga LGUs, dumadaan pa rin sa butas ng karayom ang publiko na mabigyan ng mga dokumento at iba pang impormasyong may kaugnayan sa interes ng bayan.
Sa Kamara at Senado, kung ano-ano lang batas ang inaaprubahan na maipatupad man, walang silbi at pahirap sa taumbayan.
***
Mahalaga sa bawat mamamayan na maipasa, malagdaan ang isang FOI Bill sa agenda ng Bagong Pilipinas ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Matagal na kasing inupuan sa Kongreso ang FOI Bill sa panahon pa ng administrasyon ni dating Presidente Fidel Ramos na umabot sa second reading at sa Senado, tinalakay ang panukala, pero hanggang sa hindi na uli napag-usapan.
Minalas lang at inabutan ng pandemyang COVID-19 ang huling dalawang taon ni Duterte na nagpursige na maipasa ang FOI Bill.
Madalas na nanawagan si Duterte sa Kongreso at Senado na bago siya bumaba sa tungkulin, maipasa ang FOI Bill na tinawag niya na “urgent Legislative measure.”
Kung may FOI law, may karapatang malaman ang mamamayan kung paano ginagampanan ng halal at hinirang na tao sa gobyerno ang kanilang pananagutan at tungkulin sa bayan.
Kung nabigong maipasa ang FOI Law sa administrasyon ni PDU30, sana ay mangyari ito sa termino ni PBBM. Dapat itong FOI ay gawin niyang prayoridad, ngayon na!
Kailangan din na amyendahan ang 2012 Data Privacy Law na ginagamit ng mga ayaw magbigay ng mga impormasyon na may kinalaman sa interes ng bayan.
Ginagamit ang Data Privacy Law sa pagtangging maglabas ng impormasyon na hinihingi ng mga grupong nais tumulong laban sa kabulukan sa gobyerno at pribadong sektor.
Panahon na po, Pangulong Marcos na maipasa ng FOI Bill!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisma@yahoo.com).


Comments are closed.