Banner Before Header

Simbulo ng tiwala sa reporma sa Customs

7
IGINAWAD NG Federation of Indian Chambers of Commerce (Philippines) Inc. (FICCI) ang ‘Golden Peacock Award for Excellence in Government Service’ kay Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa idinaos na 6th Customs Industry Consultative and Advisory Council (CICAC) General Assembly noong Agosto 6, 2026.

Kinilala sa parangal ang pamumuno ni Nepomuceno at ang patuloy na mga reporma ng BOC upang palakasin ang pangangasiwa sa Customs at suportahan ang lehitimong kalakalan.

Ipinakita rin ng pagkilala ang matibay na suporta ng business community sa programa ng reporma ng BOC at sa patuloy nitong pakikipagtulungan sa mga stakeholders tungo sa isang mas moderno, mabilis tumugon at mas episyenteng sistema ng Customs.

Ayon sa FICCI, ang paboreal (peacock), na pambansang ibon ng India, ay sumisimbolo sa integridad, karunungan, kahusayan at pamumuno na sumasalamin sa pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko.

Sa 6th CICAC Assembly naman, inilatag ni Nepomuceno ang patuloy na programa ng reporma ng BOC, kabilang ang mga pagbabago sa institusyon, pagpapalakas ng koleksiyon ng buwis, modernisasyon at digital transformation ng mga proseso sa Customs.

Binigyang-diin ni Nepomuceno na maaaring sabay na makamit ang reporma at malakas na koleksiyon ng kita, at hindi kailangang isakripisyo ang performance sa koleksiyon para maisulong ang mga pagbabago sa institusyon.

Nasa sentro ng modernization agenda ng BOC ang full digitalization ng mga proseso nito, kabilang ang pagbabayad, accreditation, container tracking, X-ray operations na pawang bahagi ng Customs Processing System (CPS).

Kasama rin dito ang mga reporma sa organisasyon at imprastraktura upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo ng ahensiya.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga bagong alituntunin sa accreditation ng importers at customs brokers sa pamamagitan ng Account Management Office (AMO).

Nagbigay daan din ang pagpupulong sa mga stakeholder na malaman ang mga bagong proseso, maglahad ng kanilang mga concerns at humingi ng paglilinaw upang maging mas simple, episyente at tumutugon sa pangangailangan ng trading community ang accreditation process.

Binigyang-diin ni Nepomuceno ang mahalagang papel ng private sector sa paglago ng ekonomiya ng bansa at muling tiniyak ang commitment ng BOC na maging maaasahang katuwang ng mga negosyo.

“We want to be your strong partner in making your businesses grow. You just have to trust us,” ani Nepomuceno.

Ipinaliwanag din niya na higit pa sa revenue collection, trade facilitation at border protection ang papel ng BOC sa nation-building.

Ayon sa Commissioner, mahalaga ang Bureau of Customs sa pagkamit ng isang mas maunlad na bansa dahil kailangang umunlad din ang business sector upang umunlad ang buong ekonomiya.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Nepomuceno ang mga stakeholder na patuloy na makipagtulungan sa BOC sa proseso ng pagbabago.

“Trust us and we will help you. And be open, let’s be friends in walking together in this long journey of making the Bureau of Customs modern and responsive,” ani Nepomuceno.

(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.