MAPAGPALANG araw sa lahat ng ating mambabasa, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan, Oman, at Saudi Arabia. Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Hiroki Hayashi, La Dy Pinky, Winger dela Cruz, Endo Yumi, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Roana San Jose, Josie Gelo, Yoshiko Katsumata, at Hiroshi Katsumata. Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Tino Belen, Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God Bless!
***
Malaking bahagi sa mahigit na 115 milyon na populasyon ng Pilipinas ay mahihirap na magsasaka, mangingisda at iba pang nagtatrabaho sa bukid, kasama na ang mga umaasa sa agrikultura para sa kanilang livelihood.
Mabuti na lang at nandiyan sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Finance Secretary Frederick D. Go at Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Sila ang mga lingkod bayan na nagtulong-tulong para matigil ang agricultural smuggling sa ating bansa.
Kasama din sa anti-smuggling campaign ang partner agencies na kagaya ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, National Bureau of Investigation at local government authorities.
Kapag kasi hindi natigil o mabawasan man lang ang pagpupuslit ng mga produktong agrikutura, maraming magugutom na kababayan natin.
Mas mabenta kasi ang mga puslit na produkto, na kagaya ng isda, gulay at karne, dahil mas mura ang mga ito.
Wala silang binabayarang buwis o taripa kaya puwede itong ibenta sa mas mababang halaga.
Kamakailan ay ipinangako ni Commissioner Nepomuceno na lalo pa nilang paiigtingin ang kampanya laban sa agricultural smuggling.
Sa harapan ng mga miyembro ng MAGSASAKA Party-list ay mariing sinabi ni Nepomuceno: “Habang ako ang nakaupo sa Bureau of Customs, zero tolerance tayo sa ismagling.”
Dagdag niya: “Pero kung may magtatangkang lumabag sa batas, hahabulin at papanagutin natin sila.”
Ang nasabing pulong ng MAGSASAKA Party-list ay dinaluhan din ng mga lider magsasaka at mangingisda mula Central Luzon.
Sila ay galing ng Pampanga, Bataan, Aurora, Tarlac, Zambales, Nueva Ecija at Bulacan.
Tama si Commissioner Ariel. Hindi dapat pabayaan ang mga nagtatrabaho sa agriculture sector. industry, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda.
***
Patuloy ang ginagawang pagsira ng Bureau of Customs (BOC) sa mga forfeited at abandonadong produkto sa mga pantalan.
Dapat lang talaga na sirain ang mga ito dahil makasasama sa kalusugan ng publiko kung maipagbili sa merkado.
Kamakailan ay nagsagawa ng condemnation operations ang BOC-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nagkakahalaga ng P1.45 milyon, ang mga produkto ay nanggaling sa iba-ibang bansa.
Ito ay kinabibilangan ng mga vape products, mga sirang equipment, foodstuffs, pharmaceutical products, cosmetics at iba pang general merchandise.
Sinabi pa ni Port of NAIA District Collector Atty. Ma. Yasmin Obillos-Mapa na nananatiling determinado ang kanyang distrito na sirain ang mga forfeited at abandoned shipments.
Tamang hakbang ito para huwag na ring magkaroon ng pagsisikip sa Port of NAIA, lalo pa nga at dumarating na ang mga tinatawag na Christmas items na kinahuhumalingan ng ating mga kababayan.
Bukas, September 1, ay magsisimula na ang Christmas Season sa Pilipinas.
(Para sa komento at pagbati, mag-text sa #09178624484/email; philipreyes08@yahoo.com.)


Comments are closed.