ISA ang ang Bureau of Customs (BoC) sa mga ahensyang uunahing imbestigahan ng mega task force ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ang BoC kasi ay kilalang graft-ridden government agency.
Ang utos ni Pangulong Rody Duterte kay Secretary Guevarra ay imbestigahan ang mga katiwalian at korapsyon sa mga opisina ng gobyerno.
Kasama na rin ang mga taong taga-pribado na sangkot sa katiwalian sa mga pampublikong opisina.
Ipinapakita lang ni PRRD na talagang may magagawa pa siya para matigil o mabawasan man lang ang mga katarantaduhan sa gobyerno.
Sa totoo lang, kaya niyang pagtatanggalin ang mga presidential appointee sa BoC at ibang opisina.
Para may impact ang gagawin ni Pangulong Duterte, dapat sabay-sabay niyang sibakin ang mga tiwaling presidential appointees.
Karamihan dito ay siguradong manggaling sa BoC, DPWH, BIR at iba pang graft-prone state agencies.
May mga tanggapan sa BoC na hindi pa rin tumitigil sa pagpapahirap, lalo na sa maliliit na broker. Talamak ang red tape, harassment at iba bang pamamaraan para lang magbigay sa kanila ng “tara.”
Ngayon, panahon na para tanggalan ng maskara ang mga tarantadong kawani at opisyal sa aduana.
Dapat umpisahan na agad ng task force ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagimbestiga sa BoC.
Makatutulong din sa imbestigasyon ng task force ang waterfront reporters.
Kilala na kasi nila ang mga opisyal na walang ginawa kundi pahirapan ang mga port user, lalong-lalo na ang mga importer at broker.
Tayo nga lang eh, sa tagal nating kumober diyan sa aduana, nakita na natin halos lahat ng kawalanghiyaan ng mga napupuwesto dyan.
At sa totoo lang, ang kawawa ay si Comm. Jagger Guerrero dahil napapaikutan siya ng ilang niyang tiwaling “trusted lieutenant.”
Isama na rin ni Sec. Guevarra ang mga bugok na may security of tenure.
Kailangan kasi nilang dumaan sa due process bago sila ma-suspend o matanggal.
Ang mga “lingkod-bayan” naman na walang security of tenure, sibakin niyo na agad.
Sila ang nagbibigay ng sakit ng ulo kay Pangulong Duterte at sa bayan.
Tama ba kami, Senator Bong Go?
Abangan!
***
Inutusan na ni Pangulong Rody Duterte ang lahat ng mga opisina ng gobyerno na siguraduhing may “transparency and accountability” ang lahat ng kanilang transaksyon, lalo na sa procurement processes.
Ito ay nakapaloob sa Administrative Order No. 34 na inisyu ni Pangulong Duterte noong Oktubre 23 pero inilabas lang sa publiko noong Martes.
Ang order ay alinsunod sa kagustuhan ng gobyerno i-promote ang “efficient management of public resources.”
Sa ilalim ng order, ang Philippine Government Electronic Procurement System o PHILGEPS ang “primary source and repository of information on government procurement.”
“Procuring agencies must use and maintain their official websites and social media platforms as secondary source of critical procurement information for the public,” ayon sa order.
Dapat i-post sa official website o social media platforms ang lahat ng detalye tungkol sa isang proyekto.
Kasama na rito ang halaga ng proyekto, nanalong kontratista at pagsisimula ng construction.
***
Sunod-sunod na ang dating ng bagyo.
Ang huling dalawang bagyo – Pepito at Quinta – ay nagpabaha sa maraming parte ng bansa.
Maraming infrastructure, kasama na ang mga kalsada, at pananim ang sinira ng mga bagyong ito.
Mabuti na lamang at hindi pa direktang tinatamaan ang Metropolitan Manila.
Kailangan ay linisin ng mabuti ang mga daluyan ng tubig sa Metro Manila.
Maraming lugar sa MM ang lubog sa tubig tuwing panahon ng tag-ulan.
Aksyon na, mga alkalde at Metropolitan Manila Development Authority.
May parating na namang sama ng panahon.
Huwag niyo nang hintaying masabon ni Mayor Digong.
Bukod sa problem ng pagbaha at Covid-19, nandiyan pa ang dengue, leptospirosis at iba pang waterborne diseases.
Kilos agad!
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)