DAHIL sa walang katapusang isyu ng korapsyon kontra opisyales ng Bayan, napapanahon nang maisabatas ang Freedom of Information (FOI) law ng ating mga mambabatas.
Opo dear readers, matagal nang “inupuan” ng Kongreso ang FOI Bill, panahon pa ng administrasyon ni Presidente Fidel V. Ramos (1992-1998).
Minalas lang at inabutan ng pandemyang COVID-19 ang huling dalawang taon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagpursige na maipasa ang FOI Bill kaya hindi rin naging batas.
Madalas ngang panawagan noon ni PRRD sa mamamayan ay tumulong laban sa masasamang taong gobyerno dahil aniya, kailangan, mahalaga ang tulong, suporta, at tiwala ng taumbayan.
Gustong tumulong ng publiko pero paano nga kung itinatago, sinisira o ayaw ibigay ang mahahalagang impormasyon na kailangan ng bayan.
Ginagamit ang Data Privacy Law (RA 10173) upang hindi makapaglabas ng impormasyon na hinihingi ng mga grupong nais tumulong laban sa kabulukan sa gobyerno at pribadong sektor.
***
Mahigit tatlong dekada na ngayon, nanatiling bulag, pipi at bingi ang Senado at Kamara sa kahilingan ng madla na isabatas na ang kani-kanilang bersyon ng FOI law. Hindi ba palaging sinasabi, ‘Public office is a public trust.’
Dahil kapos sa transparency at accountability ang ating public servants, ito ay nakatutulong sa mga tiwali na mailihim sa madlangbayan ang korapsiyon, kawalang-silbi nila sa tungkulin.
Dahil sa kapos sa impormasyon, may takip at itinatago sa mata ng publiko ang mahahalagang transaksiyon may kinalaman sa interes ng bayan at ng bansa, ano ang nangyayari?
Yung simpleng request sa State of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng bayan eh, ayaw ibigay sa publiko sa pamamagitan ng media—sa pangunguna ng Ombudsman!
At kahit na may sariling version ng FOI sa mga siyudad at munisipalidad, dumadaan pa rin sa butas ng karayom ang publiko na mabigyan ng mga dokumento at iba pang impormasyong may kaugnayan sa interes ng bayan.
***
Mahalaga sa bawat mamamayang Filipino na maipasa na ngayon sa panahon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang FOI Bill.
Kung may FOI law, magagampanan ng mamamayan ang kanilang karapatan na malaman kung paano ginagampanan ng halal at hinirang na tao sa gobyerno ang kanilang pananagutan at tungkulin sa bayan.
Magpapalakas ito sa taumbayan na hingin ang bukas at lantad na kilos at pananagutan mula sa pamahalaan.
Sana rin ang LGUs ay magpasimulang magsagawa ng konsultasyon sa bayan upang malaman ang mga dokumentong kailangan at dapat na mabilis na maibigay sa mga tao, at magpalabas ng regulasyon para sa bukas at lantad na paghahayag ng mga gawain, programa, transakyon, at proyektong pambayan.
Sa mga LGUs na wala pang mga ordinansa, agad din silang magpasa ng kani-kanilang Freedom of Information Ordinance.
Kung nabigo ang administrasyon ni PRRD na maipasa ang FOI Bill, sana, sabihan na ngayon ni PBBM ang mga kakamping kongresista at senador na ipasa na ang FOI Bill at malagdaan na para maging ganap na batas.
Dapat itong FOI Law ay maging prayoridad na ni PBBM, ngayon na!
Teka pala, mayroon pa ring Freedom of Information Office sa Malakanyang. May silbi pa ba ito?
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisma@yahoo.com).