ITIGIL na ang ingay na sa China ang WPS o SCS, kasi sa atin nga ito at nasasakop pa ng ating exclusive economic zone (EEZ), ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong 2016.
Kahit na sinabi ng PCA na “atin” ang WPS, panay ang pag-angkin ng China, at lagi tayong binabardagol, kung sa tao, nambabaraso, nandadarag sa isang maliit na tao.
Eh, bakit nga ba L na L at gigil na gigil ang China sa alindog ng WPS natin?
Iisa ang maiisip na itawag dito, kung tao, sakim, gahaman, ganid o mandarambong ang China.
Kay lawak na ng teritoryo nito at napakayaman sa maraming mineral, kasama ang yamang dagat pero heto, ang kaunti na para sa atin, inaagaw pa.
Ang gahaman ay laging pakiramdam ay ninanakawan, at iyan ang ginagawa ng China, mantakin mong nasa loob na ng ating teritoryo, inaangkin pa ang nasa ating bibig na.
Nais kasi ng China na kontrolin ang pagpasok at paglabas ng mga barkong komersiyal at militar sa karagatang ginagamit sa kalakalan ng mga bansa sa buong Southeast Asia.
Kumbaga sa gripo, gusto ng China, siya ang mayhawak at may kontrol kung kailan bubuksan ang suplay ng tubig, at kung gaano karami ang tubig na makukuha sa gripo.
Kung hawak ng China ang gripo, hawak niya ang buhay at kamatayan ng mga bansang tatanggi na magbayad ng suplay ng tubig.
Isa pang malaking dahilan, sa ilalim ng karagatang sakop ng SCS/WPS, may malaking deposito ng langis at natural gas.
Ayon sa mga experto, mahigit sa 11 bilyong bariles ng langis at 5.4 trilyong kubiko metrong natural gas ang nasa WPS.
Imbes na ligawan tayo, kung sa babae, ang gusto ng Beijing ay “gahasain” ang magandang binibining Perlas ng Silangan.
Paano mo mamahalin ang lalaking manliligaw kung ang intensiyon ay hindi ka mahalin kungdi ang ikaw ay pagsamantalahan lamang?
Ang reyalidad, sa kabila ng matayog na pag-angat ng ekonomiya at lakas militar ng China, kapos ito na mapakain ang mahigit sa 2 bilyong populasyon nito at hihigit pa rito kung isasama ang populasyon ng Hongkong at Taiwan.
Kailangan nitong mag-import ng pagkain at iba pang kailangan sa ‘mainland,’ kaya ang karagatang atin ay inaangkin.
Gusto ng China na palawakin ang kanilang fishing operation mula sa Pilipinas, tagos sa Taiwan at Vietnam kasi, mahigit sa 15 milyong tonelada ng isda ang kailangang anihin sa SCS upang mapakain ang mahigit sa 2 bilyong populasyomn nito.
Hindi lang pagkaing mula sa karagatan ang nais ng China, nais nito na maging super naval power sa mundo — na imposibleng mangyari.
Hindi papayag ang Indonesia, Vietnam, Taiwan at Japan na malapit sa SE Asia. At isama pa dito ang ‘Tadong Unidos na ang paninindigan, kailangang bukas ang SCS sa international navigation o malayang paglalayag para sa pagpasok at paglabas ng mga barkong komersiyal.
Hindi iginagalang ng China ang prinsipyo ng freedom of navigation para sa lahat ng bansa sa mundo.
At hindi rin tayo papayag, dahil atin, hindi sa China ang West Philippine Sea!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.