Banner Before Header

Listahan ng matitinong ‘courier services’ malaking tulong kung ilabas ng Customs

6,680
MAGANDANG araw sa lahat ng ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.

Nawa’y nasa maayos at ligtas kayong kalagayan. Binabati natin sina: Ma.Theresa Yasuki, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Mama Aki, Tata Yap Yamazaki, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at Hiroshi Katsumata.

Ganun din kay Joann de Guzman at iba pang OFWs natin sa Oman. Mabuhay kayong lahat!

***

Nakatuon ngayon ang buong bansa sa mga anomalya sa flood control projects.

Pero sigurado naman tayong hindi nadi-distract ang atensyon ng mga taga-Bureau of Customs (BOC).

Nakatutok sila sa pangongolekta ng tamang buwis at taripa na siya namang pangunahin nilang trabaho.

Ang liderato ng ahensya, sa pangunguna ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ay determinado na abutin ang revenue collection target sa taong ito.

Naniniwala naman tayo na makakamit ng BOC ang assigned tax take na halos P1 trilyon.

Huwag lang kayong makisawsaw sa problema ng ibang ahensya ng gobyerno, kasama na ang pagbabaha.

Asikasuhin na lang ng BOC ang paglaban sa katiwalian, ismagling, technical at outright, at computerization program.

Sa dami ng mga problema sa Aduana, walang mabuting ibubunga ang pakikialam sa trabaho ng ibang ahensya.

Huwag ninyong kalimutan na meron na lamang apat na buwan, matatapos na ang taong 2025.

Tutok lang sa inyong mga gawain.

Nandiyan si Pangulong Marcos na nangunguna ngayon sa pagresolba ng katiwalian at korapsyon sa gobyerno.

Kaya niyang tapusin ang sinimulan niyang anti-corruption drive.

May kanya-kanyang mandato ang mga ahensya ng gobyerno.

Alam nila ang kani-kanilang mga trabaho. Ang kailangan lang ay magtulungan ang mga taga-Aduana.

Wika nga, “united we stand, divided we fall.”

****

Siguradong matatanggap sa oras ang mga Christmas gifts na ipinapadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas.

Sa tingin natin ay na-perfect na ng Customs ang “art of speeding up the release of “balikbayan boxes.”

Ang mga kahon na ito ay naglalaman ng mga pang-regalo ng mga OFWs sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa atin.

Sa totoo lang, ang pagdating ng mga ‘balikbayan boxes’ ang nagpapasaya sa isang pamilya sa Pilipinas.

Alam ito nina Commissioner Nepomuceno kaya siguradong matatanggap ng mga recipients ang kanilang mga pamasko bago ang araw ng Pasko, Disyembre 25.

Kaya dapat piliing mabuti ng mga OFWs ang mga delivery companies na may mga magandang record.

Makatutulong sa lahat kung maglalabas ang BOC ng listahan ng mga matitinong mga delivery at courier services companies.

Abangan!

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa +63 9178624484)

Comments are closed.