Banner Before Header

Mahaba ang “buwenas” ni ‘General B’

8,316
“NAGPALITAN” na ng mga opisyal sa Bureau of Customs (BOC), kung saan anim na importanteng posisyon ang “nagalaw” pagpasok ng buwan ng Hulyo.

Pinalitan ni National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC)/Office of Civil Defense (OCD) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno si Commissioner Bienvenido Rubio.

Pinalitan naman ni Collector Romeo Allan Rosqueta ‘RR’ Rosales, si retired Phil. Army MGen. Juvymax Uy bilang ‘DCI’ (Deputy Commissioner for Intelligence) at ni dating police general, Nolasco Bathan, si Atty. Teddy Raval, bilang ‘DCE’ (Deputy Commissioner for Enforcement).

Napalitan na rin sa puwesto si Atty. Vener Baquiran bilang Deputy Commissioner for Assessment Operations and Coordinating Group (AOCG) sa katauhan ni Atty. Agaton Teodoro Oliver Uvero at si Verne Enciso bilang Director, ‘CIIS’ (Customs Intelligence and Investigation Service) sa katauhan ni Thomas Narcise.

Pinalitan na rin bilang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Collection District Collector si Atty. Yasmin O. Mapa ni Collector Alexandra Y. Lumontad.

Masasabing ‘mix of old and new faces’ ang desisyon ng Palasyo dahil pare-pareho nang galing sa BOC sina Comm. Nepomuceno, DCI Rosales, Depcomm. Uvero at Coll. Lumontad.

Samantala, galing naman sa Philippine National Police (PNP) si DCE Bathan habang sa ‘brokerage/logistics industry’ naman si Narcise.

Kung “suwerte” silang lahat, masasabing “pinakabuwenas” itong si General Bathan na kahit maraming kontrobersiyang dala sa katawan ay nabigyan pa ng isa sa pinakamataas na puwesto sa Aduana.

Sa hanay ng media, notoryus, agh, “sikat” sa kanila itong si DCE Bathan dahil “sariwa” pa rin sa kanilang isipan ang ginawa niyang ‘harassment’ sa beterano at respetadong ‘field reporter’ at ‘news anchor’ na si Jun Veneracion ng GMA7 sa ‘Translacion’ ng Mahal na Poong Nazareno noong Enero 19, 2020.

“Nagbabato” noon ng balita si kasamang Jun d’yan sa may Quezon Bridge, Quiapo, nang bigla na lang hablutin nitong si Bathan ang kanyang cellphone dahil hindi raw “humingi” ng permiso sa kanya! Huh? Kelan pa dapat magpaalam ang reporter sa pulis para makapagbalita, aber?

Si Bathan ay “batang sarado” ni noon ay NCRPO (National Capital Region Police Office) Director PMGen. Debold Sinas na “beterano” rin—at walang pakialam– sa kontrobersiya sa kanyang termino hindi lang sa NCRPO, bagkus kahit nang maupo bilang Chief PNP.

Tanda pa ba ninyo na kahit ‘lockdown’ na ang bansa dahil sa COVID, “magarbo” pa ang ‘Birthday Party’ noon ni Sinas (Mayo 2020)?

Hindi na rin hinintay noon ng PNP na matanggap ang pormal na reklamo ni Jun at agarang “binanlawan” ang masamang asal ni Bathan kaya ‘admonition’ (translation: “kantyaw”) lang ang kanyang naging parusa– kasehodang muling nalagay ang ‘Pinas sa ‘world map’ bilang ‘most dangerous country for journalists.’

At pagkaraan pa ng isang buwan? Aba’y “tinaasan” pa ang kanyang puwesto, mula sa Deputy Director for Operations (DDO) ng NCRPO (nang mangyari ang insidente sa Translacion), ginawa pa siyang ‘DDA’ (Deputy Director for Administration), ang ‘second highest position’ sa NCRPO.

At ngayon nga, BOC Depcomm. for Enforcement na si General Bathan. Hindi ba “buwenas” ang tawag d’yan?

Gusto nating maniwala na lahat ay may pagkakataon na “magbago” kaya hindi tayo naniniwalang “alam” ni Gen. Bathan ang “pag-iikot” ngayon sa pantalan ng ilang personalidad at “kinakausap” ang ilang mga ‘importer’ at ‘customs brokers’ para (daw) sa ‘arrangement’ sa tanggapan ng Enforcement Group.

Peksman, ayaw nating maniwala.

Comments are closed.