Banner Before Header

Parusang kamatayan sa mga human traffickers!

7
KUNG ang inyong lingkod ang tatanungin, dapat parusang kamatayan ang igawad sa human trafficking at online sex exploitation ng mga bata at menor de edad.

Batay sa RA 1193, life imprisonment ang pinakamabigat na parusa, at P500K hanggang P10-milyon ang penalty sa convicted trafficker.

Sa aking opinyon, dapat ikonsidera ng Kongreso na gawing ‘continuing crime’ ang pang-aalila at panghahalay sa isang menor de edad. Paulit-ulit kasi itong pagdungis hindi lang sa pisikal na katawan ng biktima, kungdi pati rin sa kaluluwa niya.

Para sa akin, higit ito sa krimeng pagpatay, rape o iba pang heinous crimes na may mabigat na rin namng parusang kulong na habambuhay.

Isipin mo, may anak kang lalaki o babae na mula pagkasanggol — buong timyas na inaruga, minahal nang higit pa sa sarili mo, at lahat ng sakripisyo ay gagawin upang mapalaki lang nang maayos—at pagkatapos ay dudukutin, aagawin sa iyo, saka gagawing alipin at “parausan!”

Nakalulunos din na may mga magulang na udyok ng gipit na kahirapan, sila pa ang nagtutulak sa kanilang musmos na anak na ibenta ang katawan sa mga pedophile o ibuyangyang ang katawan sa online sex child trafficking.

Nakakahiya ang Pilipinas na hanggang ngayon ay tinatawag na “haven” ng human traffickers, at ayon sa ulat ng pulisya, talamak at patuloy ang krimeng ito sa mga lugar ng Pasay City, Makati City, Olangapo, Angeles City, Boracay, Puerto Galera, Surigao at sa marami pang lugar sa bansa.

Kaya, pinupuri natin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang mabibilis na aksyon at sunod-sunod operasyon laban sa mga utak ng pambubugaw at pagbebenta ng laman sa ilang lugar sa Cavite, Central Luzon, Parañaque, Makati, Manila, Las Piñas at Quezon City, na kung saan may 60 biktima ang nailigtas.

Salamat din sa ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at pinalakas niya ang giyera laban sa human traffickers at ang kilos ng Department of Justice (DoJ) na dagdagan ang piskal na uusig sa mga kriminal.

Isang global epidemic ang human trafficking, at sa pag-aaral, ito ang isa sa pinakamamalawak na sindikato ng krimen sa mundo.

Mungkahi naman natin: Lumikha ng isang Special Court na ang atas ay mabilis na pag-uusig sa loob lamang ng hindi lalagpas sa anim na buwan. Justice delayed is justice denied, sabi nga natin.

***

May “maskara” ang mga human trafficker: pwedeng siya ay kapitbahay, sariling kapamilya, kaibigan, kakilala, malaking tao sa lipunan, o isang iginagalang na miyembro at mataas na tao sa komunidad.

Kaya kailangan dito ay kamay na bakal, at tulong mula sa lokal na pamahalaan, hanggang sa barangay.

Mainam din na magbuo ng isang anti-human trafficking unit ang mga LGUs katuwang ang law enforcement agency, media, pangkat ng relihiyon at ng mapagkakatiwalaang samahan sa komunidad.

Kung matindi ang ginagawang giyera laban sa ilegal na droga, ganito rin ang dapat na kilos laban sa mga human traffickers.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.