Banner Before Header

Yorme: Make Manila great again; Congrats, Comm. Nepomuceno!

27
ISANG mainit na Congratulation kay Usec. Ariel Nepomuceno, dating Office of Civil Defense (OCD) Administrator na itinalaga ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong Bureau of Customs (BoC) Commissioner.

Buong-buo ang tiwala ni PBBM kay Comm. Ariel na magagampanan niya ang mahalagang papel ng BOC sa border protection kasama na ang paglaban sa smuggling, trade facilitation at tax collection at itaas pa ang kredibilidad ng ahensiya sa mata ng publiko.

Kudos, at mabuhay! Hangad namin ang tagumpay sa bago mong tungkulin!

***

Hindi biro ang malalaking problema na kailangang resolbahin ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na inihayag niya sa unang pagharap niya sa Manila City Council Session Hall nitong Hunyo 30, ang unang araw niya bilang “Ama” ng lungsod.

Mataimtim, buo ang loob niya na sinabi: “Hindi lang po slogan ang Make Manila Great Again. Isa po itong pangarap at platform of government.”

Bago pa man ang sesyon, alam ba ninyo na halos wala pang tulog si Yorme? Personal kasi niyang inasikaso ang paghahakot sa mahigit 23,000 tonelada ng basura sa buong lungsod na iniwan ng administrasyon ni Honey Lacuna.

Aabutin pa siguro ang buong linggong ito bago lubusang muling malinis at maging kaaya-aya sa mata ang Maynila.

Inilatag ni Yorme sa Konseho ang medium term development blueprint na gagawin niya sa mga susunod na buwan– paglikha ng trabaho, muling pagtatayo ng mga imprastruktura, housing projects, at patuloy na pagpapabuti sa mga batayang serbisyo sa mga Manilenyo.

“Pinakamabigat” sa problema ay ang pinansiya ng lungsod na, masakit tanggapin, “nasimot” at sabi nga ni Yorme, “Alaws (walang tinira) nilimas.”

Hindi naman matitinag si Yorme sa mabibigat na problemang “pasalubong” sa kanya ng pinatalsik na administrasyon.

Sa harap ng City Council, ipinakita ni Yorme ang planong Manila Drainage Master Plan, Underground Cabling Project, at Transit-Oriented Development Scheme para maging mabilis ang galaw ng tao, maayos na transportasyon at patibayin ang siyudad laban sa kalamidad, at iba pang sakuna.

Tuloy din ang pagtatayo ng 15-storey ‘Binondominium 2,’ at modernisasyon Ospital ng Maynila (OsMa), pagkakaroon ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) Medical Campus at nang ‘One Classroom, One Smart TV Program’ upang maihanda ang Batang Maynila at mga estudyante sa mundo ng ‘Digital Infrastructure.’

Nagbabala rin si Yorme sa mga “tolongges,” mga siga-siga sa kalye, mga kotongero. Ipatitikim niya ang parehas na batas ng Maynila– sa layuning maprotektahan ang Manilenyo at maging mapanatag ang buhay nila, araw man o gabi.

Dagdag pa ni Yorme, ‘Our children are our treasures,’ at gagawin.niya ang lahat upang tiyaking ligtas sila sa mga ‘bullies’ at kriminal sa lansangan.

Sa pangunguna naman ni Vice Mayor Chi Atienza, agarang inaprubahan ang panukala na nagdeklara ng ‘State of Public Health Emergency’ sa Maynila na magbibigay kay Yorme ng kapangyarihan upang mas mapabilis pa ang paglilinis sa nga barangay na may nakatambak na basura.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.