The people have spoken! Nagsalita na ang taumbayan na dapat lang na igalang ng lahat, at ang tamang landas na dapat tahakin ngayong natapos na ang halalan ay ang pagkakaisa at ang paghilom ng mga “sugat” na nalikha noong panahon ng kampanya.
Ito ang unang hakbang na gagawin ni Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso, matapos na siya at si Vice Mayor-elect Chi Atienza ay pormal na idineklarang nanalo sa napakainit na tunggaliang politika sa Maynila.
Sa panayam ng mamamahayag, nanawagan si Yorme Isko ng pakikipagkasundo sa mga nakaalitan sa politika.
Tama at napakaganda ng panawagang ito ni Yorme, tinutupad niya ang kasabihang maging mapagkumbaba sa panahon ng tagumpay at isuko ang pagmamataas sa paggapi sa kaaway.
Sabi nga: ‘Be magnanimous in victory.’
Sang-ayon tayo sa panawagan ni Yorme Isko ng pagkakaisa, at ang pagnanais niya na muling mabuo ang magkakasalungat na pananaw na humati sa mga mamamayan ng Maynila dahil sa batikusan na nangyari sa panabon ng halalan.
Saksi at kalahok po ang inyong lingkod sa mga nangyaring batikusan sa mga pahayagan, radyo at telebisyon, lalo na sa social media.
Alam ni Yorme na dahil sa politika, sila ng kanyang itinuturing na ‘Ate Honey’ (Lacuna) ay nahati ang pagtitiwala sa isa’t isa at “nadamay” pa ang ibang tao; maraming nasirang pagkakaibigan, ang matamis na samahan ay umasim sa mga nabuong hidwaan dahil sa pagsuporta sa kani-kanilang mga kandidato.
Sa pagharap sa media, sinabi ni Yorme Isko na sa pagbabalik sa Cityhall, aayusin niya ang operasyon ng lahat ng opisina at departamento ng pamahalaang lokal.
Aniya, ito ay upang maituon ang pansin sa paglutas sa mga problema at makapagbigay ng mabilis at mahusay na serbisyo sa mamamayang Manilenyo.
Aminado si Isko na hindi madali ang pagkakasundo at ang pagkakamit ng pagkakaisa, pero gagawin niya ang lahat upang matupad ang mga ipinangako sa panahon ng kampanya na solusyon sa kahirapan, at ipagpatuloy ang mga proyektong mag-aangat sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Muli niyang bibigyan ng matino at kumikilos na gobyerno ang Maynila.
Ang totoong labanan ngayon, ani Yorme, kung paano pagkakaisahin ang bayan, lalo na at nahaharap ang bansa sa maraming problema dala ng inflation, mataas na presyo ng bilihin, kapos na serbisyo, at ang pagtutuwid sa mga nakitang pagkakamali.
Sabi nga ni Isko, ang kapakanan ng bayan, ng mamamayan, una at higit na mahalaga, kaysa sa politika, at ito ang magiging gabay niya sa bagong mandato na ibinigay sa kanya ng mamamayan.
Gagamitin niya ang bagong tungkulin sa pagbibigkis sa iisang layunin — ang kapanatagan sa buhay ng bawat pamilyang Manilenyo.
Aniya pa, “sana” ay mabigyan sila ng pagkakataon ng lilisang alkalde, si Mayor Honey na makapag-usap upang mapaghilom ang mga sugat ng alitang politika.
Sabi nga niya, “Pamilya ko si Ate Honey.”
“Tapos na ang eleksyon: Bayan na muna, higit sa lahat,” sabi ni Yorme.
Siya, sabi ni Yorme Isko, ay ang “Ama” ng Lungsod, hindi lamang para sa mga kakampi bagkus, kahit hindi sa mga naging kapanalig noong eleksyon.
Mula sa pitak na ito, ipinaabot natin ang mainit at masayang pagbati, at panalangin, na sana matupad ang mga nais na pagbabago sa kapakanan ng mamamayang Manilenyo.
‘Congratulations sa Yorme’s Choice!’
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).