HINIMOK ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tuparin ang pangakong mabilisang pagkumpuni sa nasirang ‘Paco Floodgate’ dahil tinitiis ng mga residente ang pagbaha tuwing high tide.
Sa harap ni Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes, sinabi ni “Yorme” na dapat magtrabaho ang pambansang pamahalaan “sa loob ng isang malinaw na timeline.” Tatlong lingggo kasi matapos “mangako” ang DPWH, walang nakitang mga pagbabago sa estado ng Paco Floodgate.
“Kawawa naman ‘yung mga kapitbahay namin doon,” wika ni Mayor Isko, at binanggit na patuloy na tumataas ang tubig-baha sa lugar ng Paco kahit walang ulan.
Ikinalungkot din ni Isko na nagdulot ang ‘stagnant water’ ng mga problema sa lamok at pang-araw-araw na pagkagambala para sa mga residente sa kahabaan ng apektadong bahagi ng baha.
Sa ilalim ng binagong timeline ng DPWH, apat na ‘steel stop log’ ang ilalagay sa susunod na dalawang linggo upang maiwasan ang pag-agos ng tubig sa ilog papunta sa Paco habang high tide sa Ilog Pasig. Harinawa.
Sa mga pagbibida ng DPWH, umaasa si Yorme na pagdating ng Marso, wala nang problema sa pagbaha sa distrito ng Paco. Harinawa ulit.
Sinabi rin ni Domagoso na patuloy siyang gagawa ng mga ‘unannounced inspections’ at pananagutin ang mga implementing units sa ano mang pagkaantala.
“Pag nakita ko walang ginagawa, ire-report ko. Buhay ng tao ang pinag-uusapan natin,” dagdag pa ni Yorme.
***
Simula Disyembre 11 hanggang Disyembre 13, sinimulan na ang P243.4 milyon ‘payout’ ng Maynila para sa mga ‘PWDs’ (persons with disability), solo parents, at senior citizens sa
sa ilalim ng programang social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ‘Facebook Live’ ni Yorme noong Disyembre 10, sinabi niya na ang tatlong araw na payouts simula sumunod na araw ay naglalayong bawasan ang mga gastusin sa bahay at mabayaran ang mga natitirang obligasyon ng lungsod sa mga mahihinang sektor.
Tatanggap ng P500 kada buwan na allowance na sumasaklaw sa Hulyo at Agosto 2025, ang 46,764 matatandang PWDs at 9,622 na menor de edad.
Para sa mga solo parents, P500 din kada buwan para sa mga nasabing buwan kung saan 30,788 na benepisyaryo ang nakatakdang makinabang mula sa alokasyon na P15,548,500.
“Sa ating mga mabubuting ina, mabubuting ama na mag-isang nagpapalaki ng kanilang mga anak, ipinagmamalaki namin kayo,” sabi pa ni Yorme.
Pinakamalaki naman ang alokasyon pars sa may 28,364 senior citizens ng Maynila na kasama sa listahan ng social pension ng DSWD, na may kabuuang P171.975 milyon.
Sa halip “ipitin’” pa ang pondo (katulad ng nakaraang administrasyon) na ipinadala na ng DSWD sa kaban ng Maynila, sinabi pa ni Yorme na “pinili” niyang ipamahagi agad ang pera sa mga senior citizens para makatulong sa kanila ngayong Kapaskuhan.
At dahil nalalanghap na nga ang ‘spirit of Christmas’ sa Maynila, pinasimulan na ni Yorme Isko at Vice Chi Atienza ang pamamahagi ng ‘Noche Buena Food Boxes’ kung saan mahigit na sa 400 barangays ng lungsod sa kabuuang higit 600 barangays ang nakatanggap.
“Iba” talaga ang manirahan sa isang lungsod na may malasakit sa taumbayan at responsable ang mga nakaupong pinuno!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).