MAKAILANG beses na rin nating natalakay sa pitak na ito ang tungkol sa ‘Liquidation by Certification’ (LBC) — na komento ng iba ay ‘Legalized Corruption’ sa ating Kongreso at Senado.
Noong June 7, 2011, ipinasa ng 19th Congress ang ‘Concurrent Resolution No. 10’ na ito ang sinasabi:
“It allows for certification, duly signed by each Senator and Member of the House of Representatives, that the allocated amounts for their Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) were utilized or expended in the performance of their legislative functions.”
Translation? Gagawa lang ng isang pinirmahang ‘Certification’ ang sino mang mambabatas na ang badyet nila ay ginamit sa MOOE, iyon lang, at wala nang ano mang paliwanag, period!
Katwiran nila, maselan, mabusisi ang pagggawai ng mga batas kaya kailangang luwagan sila sa pagtutuos sa gastos nila, at iwasan na ang detalyado, mahirap na trabahong magpakita pa ng mga resibo, mga dahilan at para saan nila inubos ang bilyones na ibinigay ng ating mga lawmakers sa kanilang sarili.
Ang Commission on Audit (COA)? Ewan natin kung bakit pumayag at kinunsinti ang maling sistemang ito na walang resibo sa pagkuwenta o pagtutuos sa paraan ng paggastos ng mga mambabatas?
Basta sinabi sa certification na walang ni isang sentimo na nawaldas, OK na ang COA.
Sa nangyari, “binitawan” na ng COA ang mandato nito na pangalagaan ang pera ng bayan.
Hindi ba ito ay ‘gross neglect of duty?’
Baka naman natatakot ang COA na kung magalit ang Kongreso, bawasan ang kanilang badyet taon-taon?
***
Ito bang LBC ay batas na pinirmahan ng ating Presidente? Hindi po.
Ang Speaker of the House at Senate President lang ang pumirma dito kaya HINDI ito BATAS ng Pilipinas. Ito ay simpleng RESOLUSYON lang ng Kongreso.
Ito ay sabwatan, ehek, kasunduan lang, ng dalawang sangay ng Kongreso na hindi na nila kailangang magbigay ng “resibo” sa publiko sa paggastos ng kanilang sariling badyet.
Kumbaga, basta na lang natin paniwalaan na ginamit, ginastos nang maayos ang kanilang MOOE.
Puwede pa ngang ilarawan na itong LBC ay iligal, mali, masagwa at sistemang labag sa sa mabuting pamamahala (good governance).
Kahit pa ang layunin ng CR No. 10 ay paluwagin ang trabaho ng mambabatas, hindi ito wasto, walang legalidad sa batas, hindi maipipilit na ipatupad ng korte dahil wala nga sa Legal Code ng Pilipinas.
Asan ang sentido kumon natin at hinayaan itong mangyari ng COA na dapat ang trabaho ay busisiin, silipin, padaanin sa butas ng karayom ang bawat sentimong hawak ng ano mang sangay ng gobyerno.
Sa hamak nating pananaw, puwedeng dalhin at ipabusisi sa Supreme Court ang CR No. 10 at kung mapatunayang iligal, ideklarang ‘unconstitutional.’
Mas mainam din siguro na ‘motu propio,’ kahit walang petisyon, “magkusa” na ang SC na silipin ang CR NO. 10.
At ang COA, puwede rin kayang kasuhan ng pagpapabaya sa trabaho at pag-iwas sa pagtupad ng mandatong utos ng Konstitusyon na bantayan, pangalagaan ang pera ng taumbayan?
Ang CR No. 10 ay nakapaghihimagsik sa kalooban kasi, wala na itong respeto sa taumbayan dahil walang accountability ang mga mambabatas natin.
Kung walang transparency, kung walang resibo, tiyak may kupit sa pera ni Mang Juan!
Good governance requires transparency in the use of public funds, period!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).


Comments are closed.