Banner Before Header

San Leonardo mayor, iba pa inireklamo sa Ombudsman

‘CDO’ ng DAR dinedma; lupang sakahan, subdivision na ngayon

5,590
INIREKLAMO ng mag-asawang ‘Fil-Am’ si San Leonardo, Nueva Ecija mayor, Froilan Nagaño at ilan niyang mga tauhan sa munisipyo kasama na ang dating Register of Deeds, mga opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) at mga opisyal ng isang construction company at property developer ng paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang Fil-Am na si Mr. Joe Manabat na nagreklamo laban kay San Leonardo, Nueva Ecija mayor Froilan Nagaño sa Ombudsman.

Sa reklamong isinampa nitong Marso 27 sa OMB-Luzon, sinabi ng mag-asawang Joe at Lubrinda Manabat, na naging pabaya ang mga akusado sa kanilang tungkulin na nagresulta sa pagkaagaw ng minanang lupa ni Lubrinda at kapatid na si Federico Jr., sa kanilang mga magulang. Ang lupain ay matatagpuan sa Bgy. Mambangnan, Burgos District, San Leonardo, na may sukat na higit 16,000 sqm.

Bukod kay Nagaño, inireklamo rin sina Eng. Jaime Mangahas, Engr. Edhel Talplacido at Engr. Roque Roberto Leoncio; Municipal Planning and Development Department;

Joseph Dimaiyacan, dating register of deeds; Eden Ponio, Chief, DARAB PARPO II; Atty. Alvin Soriano, TF on Illegal Conversion; Elena Santos, realty broker, Ronnie Santillan, Marisol Atendido at mag-asawang Rodrigo at Loreline Atendido, contractor-developer na umano’y “malapit” kay Nagaño.

Ayon pa kay Joe, walang kinalaman ang papalapit na eleksyon sa reklamo dahil taong 2020 pa nila tinawag ang atensyon ni Nagaño, DAR, Department of Human Settlement (DHSUD), Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), Department of Interior and Local Government (DILG), National Irrigation Administration (NIA) at kahit ang Presidential Action Center (PAC) sa Malakanyang, sa umano’y iligal na pagkamkam ng mga Atendido sa nasabing lupain at pagsira sa dating sakahan nang wala nilang pahintulot na mag-asawa.

Ang simula ng pagtatambak sa umano’y “inagaw” na lupang sakahan sa San Leonaerdo, Nueva Ecija noong 2020.

Batay sa reklamo, lumabas na sa kabila ng ‘lockdown’ dahil sa pandemya noong 2020, nagsimula nang tambakan ng lupa ng ‘IVY Trading’ na umano’y pag-aari ng mag-asawang Atendido, ang nasabing lupain buwan ng Hulyo. Ang pagtatambak ay sa kabila ng mga ‘signages’ na isa itong ‘private property’ at may nakabimbing kaso sa korte.

Noong Abril 20, 2021, mismong si Nagaño ay nagkumpirma sa PAC na walang ‘development permit,’ walang ‘approved site development plan’ at walang ‘resolution for land reclassification’ ang proyekto na ngayon ay kilala na bilang ‘LR Atendido Subdivision’ sa San Leonardo at buong Nueva Ecija.

May patunay din kay Joe ang NIA at DHSUD na wala silang inisyung pahintulot sa kuwestyunableng land conversion ng kanilang lupain.

Inakusahan din si RD Dimaiyacan ng pang-aabuso matapos pumayag na mailipat ang titulo sa mag-asawang Atendido noong 2021 kahit alam umano na may isyu sa titulo kung saan pinatunayan ni Federico Jr., na pineke ang kanyang pirma sa unang transaksyon para mailipat ang pangalan ng titulo sa ibang tao.

Isa sa mga natapos na istruktura sa inagaw na lupain ng mga Manabat sa San Leonardo, Nueva Ecija. Sa kabila ng CDO ng DAR, walang umanong ginawang aksyon si Mayor Froilan Nagaño, upang ipatupad ang CDO.

Nitong Oktubre 19, 2023, matapos ang halos 3-taong imbestigasyon, pormal nang naglabas ng ‘CDO’ (cease and desist order) si DAR regional director James Arsenio Ponce laban sa mga private respondents na sina Loreline Atendido, Ronnie Santillan, Elena Santos at Mirasol Nieto-Atendido. Inatasan din ang ‘Nueva Ecija Provincial Task Force on Illegal Conversion’ na magsagawa ng imbestigasyon at sampahan ng kaso ang mga sangkot sa eskandalo.

Hinagpis naman ng mag-asawang Manabat, halos dalawang taon matapos ang CDO ng DAR, patuloy na walang aksyon si Nagaño at mga opisyales ng DILG at DAR upang mabigyan sila ng hustisya at maibalik sa kanila ang nakamkam na lupain. Tuloy-tuloy din ang konstruksyon sa lugar kung saan ilang kongkretong gusali na ang nakatayo sa ngayon.

“Halos lahat ng ahensiya ng gobyerno ay nalapitan na namin at dumaan kami sa tamang proseso subalit, sadyang walang ginagawang aksyon ang mga nasa kapangyarihan sa nakaraang 5 taon,” ani Joe sa panayam.

“Harinawang tulungan naman kami ng Ombudsman,” dadag pa niya.

Comments are closed.